MALAMIG ang hatid na simoy ng Pebrero. Dahil sa malamig na panahon, marami sa ating mga kababayan ay mahimbing ang tulog sa gabi maliban sa mga may insomnia. Dahil sa himbing at sarap ng tulog, hindi maiwasan na may tinatanghali ng gising. Hindi magawang kumain ng almusal. Sapat na ang pag-inom ng isang tasa ng kape. Bunga nito, nahuhuli ang mga empleyado sa pagpasok sa kani-kanilang trabaho.
Maging ang mga estudyante, kung hindi gigisingin ng kanilang mga magulang, ay mahuhuli sa pagpasok sa kani-kanilang paaralan. Ayon naman sa mga senior citizen, ang hatid na lamig ng Pebrero ay nagbubunga ng pananakit ng kanilang rayuma, bukong-bukong at iba pang sakit na nararamdaman sa katawan bunga ng pagtanda. Ayon pa sa ibang senior citizen at ng mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, base sa kanilang karanasan, ang malamig na umaga ng Pebrero ay maaaring
matapos sa unang linggo ng Marso. May nagsaabi naman na ang malamig na panahon ay natatapos kapag sumapit na ang Ash Wednesday o Miercoles de Ceniza, na ginugnita ng mga Kristiyanong Katoliko at simula ng Lenten season o Kuwaresma. Panahon ng pag-aayuno, pagtulong sa kapwa, pagbabago, at pagbabalik-loob.
Ngayong 2019, sa darating na ikalawang Lunes ng Mayo ay nakatakdang idaos ang mid-term election. Ang ating mga kababayan sa kani-kanilang lalawigan, bayan at lungsod ay maghahalal ng governor, vice governor, niyembro ng Sanggunain Panlalawigan, mga mayor, vice mayor, mga miyembro ng Sanggunian Bayan at City Council. Isang magandang panahon at pagkakataon para sa ating mga kababayan sapagkat magpapalit sila ng kani-kanilang mga pinuno na sa kanilang paniwala ay hindi maayos ang pamamahala. Ang maayos at mahusay naman ang pamamahala ay muling ihahalal.
Sa iniibig nating Pilipinas, marami ang naniniwala na ang halalan ay sukatan ng mahusay at maayos na pamamahala ng mga lider ng bayan, lungsod at lalawigan. Gayundin ang kanilang magagandang nagawa. Kung matalino ang mga mamamayan, alam nila kung sinu-sino ang dapat magpatuloy sa panunungkulan. At batid din ng mamamayan kung sinu-sino ang dapat itapon sa kangkungan sapagkat hindi naging maayos ang paglilingkod. Maaaring nabahiran katiwalian. Maaaring nagsamantala sa kapangyarihan. Naging tulisan at mandarambong ng pondo ng bayan.
Nagsimula na nitong Pebrero 12 ang kampanya sa pulitika ng mga kumakandidatong senador. Ayon sa Commission on Elections (Comelec), labindalawang senador ang ihahalal ng ating mga kababayan na ipapalit sa 12 senador na matatapos na ang panunungkulan sa Hunyo 30, 2019. Ang mga wannabe naman sa local election ay magsisimulang mangampanya sa kalagitnaan ng Marso 2019. At nang magsimla ang kampanya sa pulitika, nagsimula na rin mamulaklak ang mga bibig ng mga wannabe at iba pang sirkero at payaso sa pulitika. Nakasabit sa mga istratehikong lugar sa bayan ang kanilang mga tarpaulin at poster. May nakalagay sa mga tindahan. Sa dingding ng bahay na malapit sa mga tulay. May nasa bukana ng palengke. Sa kabila ng sukat sa mga poster na itinakda ng Comelec, marami pa rin ang matigas ang ulo at mga pasaway na sirkero at payaso sa pulitika. Dahil dito, ang Comelec ay nag-utos sa kanilang mga tauhan na baklasin ang mga political poster na ‘di sumunod sa sukat.
Ang mga kandidato ng administrasyong Duterte ay nagsimulang mangampanya nitong Pebrero 12. Inihudyat ito ng kick-off rally sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan. Sa rally, inendorso ni Pangulong Duterte ang labing-sang senatorial candidate. Kumbaga sa pelikula, ang mga wannabe sa pagka-senador ay ipinakilala na sa mga mamamayan. Sabay-sabay na itinaas ang kanilang kamay sa ginawang proclamation at kick-off rally ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP) Laban. Ipinakilala nina Pangulong Duterte at Senador Manny Pacquiao, ang hepe de kampanya o campaign manager ng partido, ang mga kandidato sa pagka-senador.
Sa pagpapakilala ng mga waanabe, binanggit niya ang katangian ng mga wannabe. Ayon kay Pangulong Duterte, si dating BuCor Director Ronald dela Rosa ay matapang, makabayan at matapat na public servant. Ang long time aide naman niyang si Bong Go ay walang ibang hinangad kundi maglingkod. Nais umano nitong magtrabaho at makilala ng lahat. Kaya pati mga komunista ay iboboto si Bong Go.
Ang pag-endorso ng mga kandidato, kung ihahambing sa pelikula ay talagang todo ang build-up upang makilala. Sa tulong ng mga showbiz writer, napagaganda ang image ng isang artista. Sa write up, ang isang artista ay isinusulat ng showbiz writer na madasalin kahit hindi marunong magdasal. Ang inyong kolumnista ay sandaling nagsulat ng mga balitang artista nang magdeklara ng martial law. Nagsara kasi ang seminaryo ng mga paring Redemptorist. Doon ako nagturo ng sampung taon. Muntik na tuloy akong magpari. Hindi naman natuloy sapagkat natanggap akong magturo sa La Salle Green Hills sa Mandaluyong City. May dalawang dekada ang pagtuturo ko sa nasabing paaralan ng mayayaman, eletista, piling uri at anak ng mga pulitiko at mga naglilingkod sa pamahalaan.
Sa simula ng kampanya sa pulitika, maghihintay at patuloy ang obserbasyon ng ating mga kababayan. Sa bawat ipahahayag at sasabihin ng mga nais maglingkod sa bayan, sa lokal man o pambansa, susuriin din ang kanilang mga plataporma sa pamamahala. At pagdating ng halalan sa Mayo 2019, alam na nila kung sinu-sino ang mga dapat maglingkod sa bayan.
-Clemen Bautista