Balik-bansa na si Miss Universe 2018 Catriona Gray nitong Biyernes ng gabi para sa kanyang homecoming parade at iba pang aktibidad na magsisimula sa Miyerkules.
Dumating si Catriona sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Parañaque City sakay ng Qatar Airways pasado 9:00 kagabi.
Nakasuot lang ng puting T-shirt, jeans, at sneakers habang may sakbat na backpack, kasama ni Catriona ang staff members ng Miss Universe Organization.
Sa ulat ng State of the Nation news program ng GMA News TV, sinabi ng anchor na si Jessica Soho na sumakay si Catriona sa electrical cart matapos siyang lumabas sa passengers' tube habang kumakaway sa ilang nasa airport.
Hindi nagpaunlak ng interviews si Catriona, na napaulat na sadyang inilihim sa media ang pagbabalik-bansa niya kagabi.
Sinabi ni Annie S. Alejo, ng Araneta Center PR Department, na sa Huwebes ay sasakay sa majestic float si Catriona para sa kanyang parade na iikot sa mga lungsod ng Pasay, Maynila, at Makati. Magsisimula ito ng 2:00 ng hapon.
Sa Sabado, Pebrero 23, itatampok ang bagong Miss Universe ng Pilipinas sa isa pang parada sa Araneta Center, simula 4:00 ng hapon.
At sa Linggo, pangungunahan ng 25-anyos na beauty queen ang isang thanksgiving show sa Smart Araneta Coliseum.
Robert R. Requintina