NAGSIMULA na ang pangangampanya sa eleksiyon. Katulad ng dapat asahan, pakakawalan ng mga kandidato ang kanilang mga panlaban, kabilang ang salapi, mga gimik at magagarbong pangako para manalo.

Maging higit na mapanuri sana ang mga botante. Huwag silang paakit ng mga katanyagan ng pangalan, mga pangakong marurupok, at salaping ipanamumudmod ng mga kandidato. HINDI KAILANMAN DAPAT IBENTA ANG BOTO. Sa isang demokrasya kung saan ibinuboto ang mga mamumuno sa gobyerno, nararapat lamang sa atin ang pamahalaan at pamamahang pinili natin.

May payo si Senador Dick Gordon sa mga botante kaugnay nito: Maging higit na mapanuri sa pagpili ng iboboto; huwag padala sa kaguwapuhan, kagandahan, kaseksihan at kaartehan ng mga kandidato at sa kanilang mabababaw at anunsiyong pampulitika. Sa halip, dapat pagtuunan nila ng pansin ang kakayanan, mabubuting nagawa sa dating panunungkulan sa gobyerno at pribado nilang buhay propesyunal, adbokasiya at programa sa tungkulin nilang minimithi.

Ang payong ito ay akma sa mga pambansa o lokal mang pwesto.

-o0o-

UNCONDITIONAL CASH TRANSFER – May 10 milyong maralitang pamilyang Pilipino ang makikinabang sa laang P36 bilyong “unconditional cash transfer” (UCT), sa aprubadong 2019 national budget. May dagdag na P12 bilyong ito sa nakaraang P24 bilyon noong 2018.

Kabilang sa mga makikinabang ang 4.4 milyong pamilyang mahihirap na naka-enrol na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), tatlong milyong maralitang ‘senior citizens’ na tumatanggap ng social pensiyon, at 2.6 milyong beripikadong mahihirap na pamilyang walang anak na nag-aaral. Tatanggap ang bawat isa sa kanila ng karagdagang buwanang ayudang P300 na mas mataas kaysa P200 na dati nilang tinatanggap.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, kilalang ekonomista at pangunahing tagapagtaguyod nito, “isang tagumpay sa lehislatura ang UCT at ito’y nagbabadya ng isang ‘universal basic income regime’ kung saan ang maralitang bahagi ng lipunan ay tatanggap ng ayudang pinansiyal mula sa estado upang matugunan ang payak nilang mga pangangailangan na hindi pakikialaman ang kanilang pagpili.”

Binalangkas bilang isang “inflation safety net policy reform,” magsisilbi rin ang UCT bilang mabisang instrumento ng estado para sa panlipunang hustisya sa ilalim ng hindi pagkakapantay-pantay ng yaman at mga pambansang pangangailangang pangkaunlaran dulot ng “globalized market-based private sector-driven economy.”

Iba ang UCT sa umiiral nang conditional cash transfers (CCT) program ng 4Ps na may kaakibat na mga kondisyon para masali. Popondohan ito mula sa kita ng pinalaking buwis sa langis, na ang 54% ay gamit lamang 20% ng mga Pilipinong may kaya, at iba pang buwis ng mayayaman

-Johnny Dayang