NAGPALABAS ang Metropolitan Trial Court of Manila (MTRC) ng warrant of arrest para sa dating Secretary General ng Philippine Karatedo Federation (PKF) na si Raymond Lee Reyes.
Ayon sa Warrant of Arrest order na nilagdaan ng Presiding Judge na si Joel A. Lucasan na may petsang Pebrero 1, 2019, ipinag-utos ang agarang pagdakip sa dating karate official at binigyan siya ng P18,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Ayon sa nasabing kautusan, napatunayan na nilabag ni Reyes ang Article 220 Revised Penal code o ang maling paggamit ng pondo ng gobyerno na siyang ibinintang ilang miyembro ng National Karate team.
Nag-ugat ang nasabing isyu nang gamitin ni Reyes ang tinanggap na financial assistance ng nasabing National Sports Association (NSA) buhat sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa allowances ng mga atleta sa pagsasanay sa Germany sa nakalipas na taon.
Ayon sa mga atleta, binigyan lamang sila ng Euro 400 ni Reyes, ngunit ang pinirmahan nilang dokumento na siyang ginamit na liquidation report ni Reyes ay nagkakahalaga ngh US$1,200.
Bukod pa dito ay hindi rin naipatupad ni Reyes nang tama ang paggamit sa nasabing Financial Assistance na inaprubahan ng PSC, kung saan mismong ang ahensiya, kasama ng mga atleta ang siyang nagsampa ng kasong malversation of public funds kontra sa akusado.
Ikinasiya naman ni PSC commissioner Ramon Fernandez ang nasabing resulta ng pagsampa ng kaso kung saan ay kaniyang inilathala mismo sa kanyang social media account.
“The PSC-DOJ partnership bears fruit. and it’s sweet,” pahayag ni Fernandez sa kanyang facebook accunt na Maxi Green, patungkol sa memorandum of agreement na nilagdaan kamakailan ng dalawang ahensiya.
-Annie Abad