BUKAS ay Valentine’s Day o Araw ng Mga Puso. Pusong malusog, pusong tumitibok, pusong nagmamahal. May nagtatanong kung may puso pa ba ang mga pinuno ng pamahalaan, lalo na ang mga manggagatas, este mambabatas, na sagana sa “mantika” ang mga pork barrel na isiningit sa 2019 National Budget (P3.757 trilyon)?
Mula sa akin, nais kong batiin ang lahat, lalo na ang nagtitiyagang bumasa ng kolum na ito, ng Malusog na Araw ng Mga Puso. Araw ito nina Valentino at Valentina na sagana pa sa pagmamahalan at hindi pa nagkakasawaan.
Siyanga pala, saan ba at kailan nagsimula ang Valentine’s Day? Totoo bang isang santo si Saint Valentine, na sinasabing Patron Saint ng mga Puso? Payo ko sa lahat, panatilihing malusog at masigla ang inyong puso sapagkat ang tao ay may iisang puso lamang. Iwasang kumain ng pagkaing matataba, maaalat at matatamis.
Kahapon, Pebrero 12, nagsimula ang panahon ng kampanya o campaign period. Panahon ito ng bulungan at bolahan. Tiyak, ikaw at ako ay pupuntahan ng mga bolerong kandidato, magtutungo sila sa mga nasa laylayan ng lipunan at mangangakong iaangat ang kalagayan sa buhay. Sila raw ang “lingkod ng bayan” na handang pagsilbihan ang mga mamamayan.
Mga kaibigan at kababayan, itanong ninyo sa kanila (mga pulitiko) kung sila ay may “puso” pa para sa mga mararalita sapagkat malimit na pagkatapos ng eleksiyon, ang “lingkod ng bayan” ay nagiging “sumpa ng bayan”, nagiging “amo ng bayan”.
Talaga bang determinado si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr., chairman ng House committee on appropriations, na sakaling magtagumpay sina Budget Sec. Benjamin Diokno at Cabinet Sec. Karlo Nograles na maibalik sa pambansang budget ang P75 bilyon na isiningit ng budget officials sa mga proyekto ng congressmen, sasama siya kina Sen. Panfilo Lacson at Senate Minority Leader sa paghahain ng kaso sa Supreme Court kontra rito. Para sa kanya, ito ay maituturing na “evil scheme” ng dalawa.
Nag-akusa si Andaya na minamaniobra nina Diokno at Nograles ang restorasyon ng P75 bilyon sa harap ng veto message ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagsabing susuriing mabuti ang P3.757 trilyong budget kung talagang puno ng “mantika” ito.
Nangako si Andaya na sasamahan niya sina Lacson at Drilon sa pagkuwestiyon sa SC kapag naibalik ang P75 bilyon na unang inilaan sa mga proyekto ng mga kongresista sa ilalim ng DPWH. Talaga, wala na bang puso at konsensiya ang ating mga mambabatas na lagumin ang salapi ng bayan habang ang malaking bilang ng mga Pinoy ay hirap na hirap sa pagtatrabaho, kubang-kuba sa taas ng bilihin at halos hindi makakain ng tatlong beses sa maghapon?
-Bert de Guzman