SA opisyal na pagsisimula ngayon ng campaign period para sa napipintong mid-term polls, naniniwala ako na walang sinuman ang mag-uurong ng kanilang kandidatura. Lahat sila -- hindi lamang ang 63 senatorial
bets kundi maging ang iba pang kandidato sa iba’t ibang puwesto -- ay umaasang mananalo sa naturang halalan sa kabila ng mahigpit na labanan.
Ganito rin ang paniniwala ng isang kandidato na hindi ko na pangangalanan; isang kandidatong higit pa sa isang kapatid kung aking ituring; isang kandidato na tinaguriang ‘perennial candidate’ na lumahok sa halos lahat ng eleksiyon.
Sa kabila ng kanyang pagiging optimistikong magwawagi sa halalan, walang kagatul-gatol kong ipinayo sa kanya: Mag-urong ka na ng iyong kandidatura. Nais kong siya ay matauhan at magising sa katotohanan na malabo ang kanyang pag-asang mapabilang sa tinatawag na Magic 12. Gusto kong bigyang-diin, nang siya ay dumalaw sa akin sa isang ospital kamakailan, na halos imposibleng mapabilang siya sa isang dosenang mambabatas lalo na kung isasaalang-alang na 63 kandidato ang naghahangad maging senador ng bansa.
Palibhasa’y higit na nakatatanda at nag-aalalang ako ay mabinat sa aking karamdaman, wala siyang nagawa kundi makinig na lamang sa lahat ang aking winika. Sinabi ko sa kanya: “Tanggapin mo na wala kang milyones upang ipambayad sa mga political advertisements sa radyo, telebisyon at mga pahayagan; bukod pa ang limpak-limpak na gastos sa pangangampanya sa pamamagitan ng social media”. Bawat galaw ng isang kandidato ay may katumbas na taginting ng salapi.
Mabuti naman at siya mismo ang nagpahiwatig na walang kabutihang maidudulot ang tinig ng isang political endorser, lalo na kung ang naturang lider ay isinusuka ng pamayanan dahil sa hindi kanais-nais na mga impresyon; lalo na lamang nalulubog ang isang kandidato sa gayong sistema ng pagtataguyod ng kandidatura.
Bago natapos ang aming usapan, ipinamukha ko sa kanya: “Walang alinlangan ang iyong kakayahan, katapatan at katalinuhan sa halos lahat ng larangan ng pakikipagsapalaran, lalo na nga sa pagbalangkas ng mga batas at patakaran para sa kapakinabangan ng sambayanan at ng bansa. Hindi ito sapat upang ikaw ay maluklok sa tungkulin.”
Hindi ko na inalintana kung siya man ay magkikimkim sa akin ng sama ng kalooban; inulit ko: “Umatras ka na sa laban; iyan ay isang marangal na paninindigan.”
-Celo Lagmay