DINISPATSA ni knockout artist at WBA interim bantamweight champion Reymart Gaballo ang matangkad na Hapones na si Yuya Nakamura sa 2nd round nitong Linggo sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City.
Gusto pang lumaban ni Nakamura kay Gaballo kahit hirap na itong makatayo, ngunit pinigilan na siya ni referee Virgilio Garcia.
Napaganda ni Gaballo ang kanyang rekord sa perpektong 21 panalo, 18 sa pamamagitan ng knockouts at nagpahayag ng kahandaang hamunin sina WBA “super” bantamweight titlist Nonito Donaire na isa ring Pilipino o si WBA “regular” 118 pounds champion Naoya Inoue ng Japan
“Gaballo is interim champ as well as No. 1 mandatory challenger, and we are ready for battle. Anytime, anywhere,” sabi ng promoter ni Gaballo na si JC Manangquil ng Sanman Boxing.
Sa undercard ng laban, tiyak na papasok sa world rankings si Romeo Duno nang pabagsakin si Kuldeep Dhanda ng India sa 2nd round para matamo ang WBA Asia lightweight crown.
Matagal bago nakabangon si Dhanda kaya isinugod siya sa ospital, ngunit kagyat din na nakarekober.
“Kuldeep (Dhanda) got knocked out hard. Got him to hospital. But now he is good,” sabi ng kanyang boxing coach na si Roshan Nathanial. “All is clear. No problem. This is boxing. Indian boxers are strong,” aniya.
Napaganda ni Duno ang kanyang kartada sa 19 panalo, 1 talo na may 15 pagwawagi sa knockouts at naidagdag ang WBA regional title sa hinawakan niyang WBC Youth Intercontinetal belt na naisuot niya nang patulugin sa 2ndround si dating Golden Boy Promotions top prospect Christian Gonzalez noong 2017 sa Los Angeles, California sa United States.
-Gilbert Espeña