IKATLONG sunod na panalo ang pupuntiryahin ng defending champion San Miguel Beer, habang unang back-to-back wins ng season ang target kapwa ng Columbian Dyip at ng TNT sa nakatakdang double header ngayong araw sa 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Mauunang sumabak ang Dyip ganap na 4:30 ng hapon kontra NLEX at susunod ang tapatan ng Beermen at Katropa ganap na 6:45 ng gabi.

Matapos mabigo sa una nilang laban kontra Dyip, dalawang sunod na panalo ang ipinoste ng San Miguel, una kontra Barangay Ginebra Kings, 99-91 noong nakaraang Sabado (Enero 20) at pangalawa kontra Meralco, 105-93 noong Biyernes sa Antipolo City.

Para kay SMB coach Leo Austria, kung maglalaro sila ng maayos na gaya ng inaasahan sa kanila bilang reigning champion, malaki ang tsansa nilang manalo.

"If we play hard, we're really tough to beat," wika ni Austria pagkaraan ng laban nila kontra Meralco.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

"Hopefully, we can sustain the effort and intensity Sunday against TNT which we expect to be a game with a lot of running," aniya.

Gayunpaman, ang inaabangang paghaharap ni Terrence Romeo at ng kanyang mga dating Katropa ay hindi mangyayari dahil hindi pa rin ito makakalaro para sa SMB.

"Terrence is not playing on Sunday. His injury has not yet healed fully," pahayag ni Austria na tinutukoy ang iniindang ankle injury ni Romeo.

Sa kabilang dako, pagsisikapan naman ng Katropa na masundan ang naitalang unang panalo pagkaraang mabigo sa naunang dalawa nilang laro.

Samantala sa unang laro, nakabawi mula sa natamong unang kabiguan sa ikalawa nilang laban sa kamay ng solong lider Phoenix Pulse matapos pataubin ang dating namumunong Northport sa ikatlo nilang laban, tatangkain ng Dyip na maitala ang unang back-to-back wins sa pagsagupa nila sa winless pa ring NLEX.

Para kay coach Johnedel Cardel, wala silang hindi kakayanin kung lalaban sila bilang isa o sama-sama.

"I talked to the guys... I told them we can beat any strong team in the PBA if we play together, if we continue to have patience in offense," ani Cardel.

Para naman sa kanilang katunggaling Road Warriors, sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon nananatiling optimistiko si coach Yeng Guiao.

“Maaga pa naman. I’m not losing hope,” anito. “Ang feeling ko rito kapag nakakuha kami ng momentum, we’ll be okay. Maka-dalawa o tatlong laro kami, get to the fifty percent winning percentage, then kakayurin mo na lang."

“Makarating lang ng quarters, that would mean we have spent time together and our players have already jelled by that time. We’ll take our chances. Importante manalo muna kami.”

-Marivic Awitan