Nasawi ang isang 84-anyos na lalaking preso habang sugatan naman ang 24 na iba pa matapos tupukin ng isang oras na sunog ang kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Antipolo City, Rizal, nitong Huwebes ng gabi.

INILIKAS Magkakakabit ang mga bilanggo habang pabalik sa kani-kanilang selda ilang oras matapos na mahigit 1,000 sa kanila ang ilikas nang masunog ang isa sa mga selda sa Antipolo City Jail sa Rizal, nitong Huwebes ng gabi. (JUN RYAN ARAÑAS)

INILIKAS Magkakakabit ang mga bilanggo habang pabalik sa kani-kanilang selda ilang oras matapos na mahigit 1,000 sa kanila ang ilikas nang masunog ang isa sa mga selda sa Antipolo City Jail sa Rizal, nitong Huwebes ng gabi. (JUN RYAN ARAÑAS)

Naisugod pa sa Rizal Provincial Hospital System Annex II si Cesar Organo, ngunit binawian din ng buhay matapos umanong maipit sa nangyaring stampede.

Batay sa record ng BJMP, nahaharap si Organo sa kasong rape.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Isinugod naman sa ospital ang 24 na nasugatan sa insidente.

Isinuko naman ng kanyang pamilya si Zymon Michael Dig, nahaharap sa kasong robbery at paglabag sa Presidential Decree 9, matapos tumakas sa kasagsagan ng sunog.

Sa paunang ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang insidente sa Selda 10 ng BJMP-Antipolo sa Barangay San Jose, dakong 7:45 ng gabi.

Nag-panic ang 1,669 na preso nang kumalat ang apoy sa mga katabing selda hanggang sa magkaroon ng stampede, kaya naipit si Organo.

Nailikas naman ng mga tauhan ng BJMP ang mga bilanggo sa katabing covered court, habang inaapula ang sunog.

Habang isinusulat ang balitang ito, iniimbestigahan pa rin ng BFP ang sanhi ng sunog.

-Mary Ann Santiago