HALOS kasabay ng pagbubunyag ng kontrobersyal at masasalimuot na proyekto ng ilang senador at kongresista, nalantad din ang isang panukalang-batas hinggil sa magastos na paglikha ng isang kagawaran na paglalaanan ng bilyun-bilyong piso. Sa pagkakataong ito, umusad sa Senado – at maaaring isinusulong din sa Kamara – ang pagtatatag ng Department of Culture (DoC) at iba pang ahensiya na maituturing na duplikasyon ng mga tungkulin.
Hindi ko minamaliit ang kalahagahan ng paglikha ng DoC, lalo na kung isasaalang-alang ang ating mahigpit na pangangalaga sa mga kultura at sining na minana natin sa ating mga ninuno. Dangan nga lamang at ang naturang bill na napag-alaman kong inihain ni Senador Francis Escudero ay isang malaking kalabisan; naniniwala ako na ang mga gawain nito ay duplikasyon na lamang ng mga tungkulin na ginagampanan ng kasalukuyang National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Hindi ko maarok ang lohika sa pagsusulong ng DoC. Ito kaya ay naglalayong buwagin ang NCCA at ang iba pang ahensiya na ang tanging misyon ay pangalagaan at paunlarin pa ang iba’t ibang kultura na naging bahagi na ng ating kabihasnan? Gusto kong katigan ang paninindigan ni Senior Deputy Minority Leader at BUHAY Party-list Rep. Lito Atienza: “The 2-billion plan is another large and expensive bureaucracy.”
Ang marapat atupagin ng mga mambabatas ay pagdaragdag ng kapangyarihan sa NCCA tungo sa ibayong pangangalaga ng ating mga kultura na tila nakakaligtaan ng ilang sektor ng ating mga kababayan. May mga pagkakataon na ang ating mga kalinangan ay nalalambungan ng foreign culture dahil sa impluwensiya ng tinatawag na colonial mentality o isipang dayuhan.
Makatuturang pagtuunan ng pansin ng mga lehislador ang pagsugpo sa tinatawag na culture of impunity; yaong pagkakait ng katarungan sa sinumang dapat magtamo ng hustisya, lalo na ng mga biktima ng walang pakundangang pamamaslang – tulad ng ilang kapatid natin sa pamamahayag.
Makabuluhan ding atupagin ng mga mambabatas ang pagpapahalaga sa kultura ng mabuting gawain at pag-uugali o culture of good manners, ang right conduct na tila ipinagwawalang-bahala ng ilang mambabatas at ng ating mga kababayan. Ito ang kultura na maituturing na barometro ng matino at wastong asal na maaaring banyaga sa mga kinauukulan
-Celo Lagmay