GINIBA ni Woman International Master Jan Jodilyn Fronda ng Team Philippines si Woman FIDE Master Aashna Makhija ng India para makausad sa sosyong ika-11 puwesto matapos ang anim na round sa 7th Asian Continental Chess Championship (2nd Manny Pacquiao Cup) nitong weekend sa Tiara Hotel sa Makati City.

MATAMANG nagiisip ng kanyang diskarte si IM Jan Jodilyn Fronda (kaliwa) sa kanyang laban kontra Aashna Makhija ng India.

MATAMANG nagiisip ng kanyang diskarte si IM Jan Jodilyn Fronda (kaliwa) sa kanyang laban kontra Aashna Makhija ng India.

Naitala ni Fronda, 24, ang ikatlong sunod na panalo, tampok ang panalo kina Wang Ying ng New Zealand at kababayan nitong si Christy Bernales, matapos mabigo sa unang dalawang laro at makatabla sa ikatlong laban sapat para makausad nang bahagya sa overall standings.

Target ng dating La Salle standout at three-time UAAP MVP na makausad nang tuluyan sa Top 10 sa pakikipagtuos kay Woman Grandmaster Nguyen Thi Thanh An of Vietnam sa ikapitong round sa Linggo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tangan ni Fronda ang pinakamataas na puntos sa mga Pinay campaigner, kalahating puntos ang abante kina WFM Allaney Jia Doroy, WGM Janelle Mae Frayna at WFM Shania Mae Mendoza na may tig-tatlong puntos sa torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at ni Sen. Manny Pacquiao, sa basbas ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).

Natuldukan ang ratsada ni Doroy nang mabigo kay WIM Gu Tianlu ng China.

Umagaw ng atensyon ang 17-anyos na si Doroy, pambato ng National University sa UAAP, nang maipanalo ang tatlong laro sa apat na laban, tampok ang impresibong panalo kontra second pick IM Gulishkan Nakhbayeva ng Kazakhstan sa ikaapat na round nitong Huwebes.

Nakabalik naman sa laban si Frayna nang magwagi kay WFM Aay Aisyah Anisa ng Indonesia, habang namayani si Mendoza, Olympiad veteran mula sa Far Eastern U kontra Sivanesan Nithyalakshmi ng Malaysia.

Nataon, magtatagpo ang landas ng magkababayang sina Doroy at Frayna sa ikapitong round.

Pinangungunahan naman nina Grandmasters John Paul Gomez at Joey Antonio, gayundin nina IM Ricky de Guzman at FM Mari Joseph Turqueza ang kampanya ng bansa sa men’s division.

Tumabla si Gomez kay GM Tran Tuan Minh ng Vietnam; habang kumana si Antonio kontra Edsel Montoya; at nakihati ng puntos si De Guzman kay GM Tan Zhongyi ng China; at nanaig si Turqueza kay IM Jan Emmanuel Garcia.