Pinagbabaril at napatay ng isang lalaki ang isang konsehal na kandidato para vice mayor sa susunod na taon, makaraang tambangan sa Barangay Poblacion West sa Sto. Tomas, Pangasinan, kahapon ng umaga.
Binawian ng buhay sa Dr. Chan Hospital si incumbent Councilor Benjamin Oculto, Jr., ng Bgy. San Marcos, Sto. Tomas, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Nasa kustodiya na ng Sto. Tomas Police ang suspek na si
Jun Jun Vidal, 40, may asawa, ng Bgy. Tepo, Hermosa, Bataan.
Ayon kay Pangasinan Police Provincial Office director, Senior Supt. Wilzon Joseph Lopez, kalalabas lang ni Oculto sa Jesus Christ Church chapel at tumatawid sa nakaparada nitong sasakyan nang barilin ng suspek, dakong 10:40 ng umaga.
Agad na tumakas si Vidal, sakay sa asul na Toyota Corolla na walang plate number, kasama ang tatlong hindi nakikilalang lalaki.
Hinabol ng mga awtoridad ang grupo ni Vidal, na nagresulta sa sagupaan hanggang sa maaresto ito.
Nasamsam umano kay Vidal ang isang M16 rifle na may dalawang magazine, at isang magazine ng .45 caliber pistol na may mga bala.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang, at ang mastermind sa krimen.
-Liezle Basa Iñigo