HINDI pa nga talagang showbiz si Maine Mendoza dahil diretso niyang sinasagot ang lahat ng katanungan sa kanya sa nakaraang grand presscon ng Jack Em Popoy: The Puliscredibles kasama sina Coco Martin at Vic Sotto.

‘Phenomenal Star’ na kasi ang tawag ngayon sa Kapuso artist dahil sa maikling panahon (3 years) niya sa showbiz ay kaliwa’t kanan na ang product endorsements niya bukod pa sa trending siya parati sa Eat Bulaga. Higit sa lahat, maski na anong post niya sa social media ay talagang nire-retweet ng 4.91M followers niya.

Aniya, “Siguro po iba ‘yung tingin ko sa sarili ko. Saka very surreal pa rin sa akin kung ano ang nakikita ng mga tao sa akin. Ako, nahihiya po ako na ina-acknowledge na gano’n ako.

“Parang sinasabi nga nila, ‘yung mga bashers, na ganito, ganyan. Sinasabi ko naman na ako ‘yung unang manlalait sa sarili ko. Kasi alam ko ‘yung flaws ko, ‘yung pagkukulang ko.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Ewan ko po, kasi habambuhay ‘yung gano’n, which I think is okay naman, ‘di po ba? Kasi it keeps me grounded parang hindi ako nadadala agad sa mga papuri ng mga tao sa akin. Ganu’n din po talaga siguro ang personality ko.”

Adjusted naman na rin si Maine sa tinatamasa niyang kasikatan ngayon.

“In a way po, yes. Kasi tatlong taon na rin po ako and every day na rin po akong na-expose sa Barangay,” pag-amin ng dalaga.

Ang tinutukoy ni Maine na barangay ay ang segment ng Eat Bulaga na “Sugod-Bahay”, na kung saan-saan sila nagpupunta araw-araw kaya nakilala siya nang husto at napalapit na rin sa mga tao.

“So, parang aware na rin ako. Unti-unti ko na rin pong tinatanggap na nandito na po ako sa showbiz. Kasi noon parang hindi pa ako makapaniwala sa lahat, na hindi pa ma-grasp ng utak ko,” sabi pa ng Kapuso star.

Samantala, nabanggit ni Coco na may interes si Maine sa pagdi-direk dahil ito ang na-obserbahan niya sa leading lady niya habang sinu-shoot nila ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles.

Kaagad naman itong inamin ng dalaga, “Opo, in the future po, siguro kung mapagbibigyan ng pagkakataon, why not?

“Kasi po masaya rin pong magtrabaho na nag-aaral. Gusto kong magsulat, gusto kong mag-aral.”

Maging ang pag-arte ay gusto ring pag-aralan pa ni Maine.

“Hindi ko pa rin masasabi na kumportable kasi parang hindi ko alam. Parang ini-explore ko pa rin ‘yung world of acting.

“Parang since nag-start ako sa comedy na parang ayoko namang ma-stuck sa gano’n. Na parang gusto ko ring matuto ng iba, maka-experience ng iba. So, nandu’n pa rin ako sa exploring stage,” pahayag pa ng dalaga.

Dagdag pa, “Ako, lahat siyempre gusto ko i-improve ‘yan. Pero sa ngayon nai-enjoy ko na.

“Dahil dito sa movie namin, nakapag-try na ako ng iba, like action, first time ko din lang naman na gagawin.

“Hindi ‘yung paglukot lang ng mukha, kasi parang gusto ko na rin, as in completely gusto ko nang kumawala doon.

“Parang gusto ko rin na may ibang mai-offer para ‘yung mga viewers, hindi ‘yung puro gano’n ang sasabihin, ‘Ay, ayan na naman siya, ‘yun lang kaya niyang gawin.’

“Parang gusto ko, deep inside, gusto kong patunayan na mayroon din akong kayang gawin bukod sa pagpapatawa, pagwa-wacky. Although ‘yun talaga, ‘yung feeling ko hindi mawawala, ‘yung comedy.”

Anyway, simula sa Disyembre 25 ay mapapanood na ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles na entry ng APT Entertainment/MZet Productions at CCM Film Productions sa 2018 Metro Manila Film Festival.

-Reggee Bonoan