NAGTALA ng personal best na 19 puntos si Trisha Mae Paras upang pamunuan ang San Beda University sa 23-25, 25-15, 25-23, 25-17 panalo kontra Emilio Aguinaldo College kahapon at mapanatili ang solong pangingibabaw sa women's division ng NCAA Season 94 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan
Tatlo pang Lady Red Spikers ang tumapos na may double digit performance na kinabibilangan nina Nieza Viray, Cesca Racraquin at Satriani Espiritu na nagtala ng 13, 12 at 11 puntos ayon sa pagkakasunud-sunod upang tulungan ang koponan sa pagkopo ng ika-4 na sunod na panalo.
Bukod sa 13 puntos, nagposte rin si Viray ng 22 excellent digs habang nakakumpleto ng triple double si Racraquin matapos na magtala din ng 19 digs at 15 receptions.
Nawalan naman ng saysay ang game high na 25 puntos ni Jaylyn Lumbo para sa Lady Generals na hindi nakaiwas sa ikatlong sunod nilang kabiguan.
Nauna rito, wagi naman ang Generals kontra Red Spikers, 29-27, 25-19, 25-21 sa pamumuno ni Joshua Mina na may 20 puntos upang makaiwas sa shutout ang EAC matapos ang pagkatalo ng kanilang junior squad sa Junior Red Spikers, 25-17, 25-16, 25-27, 25-21.
Pinangunahan ni Arian Zandro Pasayloon ang nasabing panalo ng SBU junior squad sa itinala nitong 20 puntos.
-Marivic Awitan