Isang drug-free na bansa ang magiging “gift” umano ni Pangulong Duterte sa mga Pilipino sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.

Hindi natinag sa mga batikos ng human rights sa kanyang war on drugs, sinabi ng Pangulo na determinado siyang patayin ang sisira sa bansa gamit ang ilegal na droga.

“You know the presidency is a gift from God. Sigurado ‘yan. Ako, my gift to the Filipino people, I will—linisin ko ito talaga before I go out. And I’ll give you a drug-free community. That will be my gift to you,” pahayag ni Duterte.

“I am asking all of you who make life miserable for the people in the city, go out because if you destroy my city, I will kill you,” aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Handa rin umano si Duterte na mapunta sa kulungan para sa kanyang paglaban sa ilegal na droga, ngunit pinabulaanan nito ang 70,000 death toll na sinasabi ng ilang human rights group. Iginiit niya na aakuin niya ang resonsibilidad para lamang sa 1,400 suspek na namatay sa anti-drug operation ng pamahalaan.

“Ang pinatay namin, ang sabi ng pulis 1,400. Oo ‘yan, amin ‘yan. Akin ‘yan, ako ang nag-utos. Ako ang magpakulong. I said that is my gift to you,” saad ni Duterte. “I will go to prison. So? Ubusin ko talaga itong mga ito.”

Patuloy ang paninindigan ng Pangulo sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga sa kabila ng posibleng paglilitis ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa umano’y mga pang-aabuso.

Kamakailan lamang, sinabi ng ICC na ipagpapatuloy nito ang preliminary examination sa “communications” na isinumite sa korte para sa umano’y krimen na idinulot ng drug war sa bansa. Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may hurisdiksyon ba o wala ang ICC at kung may nagganap na paglabag sa karapatang pantao.

Ang aksiyon ng ICC ay tugon sa inihain ng abogadong si Jude Sabio, Senator Antonio Trillanes IV at Magdalo Rep. Gary Alejano na nagsasabing may pananagutan si Duterte sa mga extrajudicial killings.

Gayunman, binalewala ng Malacañang ang ICC preliminary examination sa drug war, na sinabing isa itong ‘exercise of futility.’

-Genalyn D. Kabiling