NAKAPAGTATAKA ba o hindi na? Bakit ang mga pulitiko handang gumastos ng limpak-limpak na salapi para manalo sa eleksyon, kahit na ang ang sweldong natatanggap ay kapus pa sa iniluwal na pera sa kampanya?
Halimbawa, magkano lang ba ang sweldo at allowance ng konsehal sa isang pangunahing lungsod? Mga P3.720M piso sa tatlong taong pagkaka-upo. Subalit ang gagastusin para masungkit ang halalan ay lagpas pa sa nasabing halaga. Sa pagka-gobernador, halimbawa sa Cebu, tumataginting na P300M hanggang P400M piso ang kailangang isuka ng kandidato. Saang lupalop ka nga naman makakukuha ng ganoong salapi? Kung hindi ka ba naman siraulo at ibebenta ang mga lupain at ari-arian para lang isugal sa walang katiyakang eleksyon. Pati kinabukasan ng mga anak at pamilya ay nailalagay sa alanganin sa ganoong siste. Maliban na lang kung galing sa masamang raket ang pera tulad sa juetang, swertres o droga.
Mahirap pa nito, kung mga negosyante ang mamumuhunan ng panustos sa iyong kampanya, para kang tinalian sa leeg. Hinayupak na babawi rin ang mga ‘yan pagdating ng panahon, para ma-solo ang mga kontrata ng lokal na pamahalaan.
Huwag na tayo magbulag-bulagan, ang eleksyon ngayonn ay puro “solicitation” ng pista, palarong basketball, binyag at higit sa lahat, kinakalakal ang boto sa araw ng halalan. May mga nag-aabot ng P500 piso hanggang P2,000 piso. May mga beteranong mambabatas pa nga na nagpayo na huwag nang mamili ng botante, mag-ikot sa palengke, magpulung-pulong, miting-de-avance at iba pa, dahil magpapawis lang daw. Ang mainam umano ay dumiretso na sa Smartmatic-Comelec, at bilhin ang resulta.
Hay naku, kung ganito na ang ating demokrasya, hindi na nga tayo matatawag na republika. Subastahan ang totoong turing sa mga tanggapan sa pamahalaan dahil bawat posisyon ay may kaakibat na presyo. Tuloy, ang matitinong tao ay umiiwas na pumasok sa serbisyo-publiko upang huwag masira ang malinis at dalisay na pamumuhay. Samantalang naglipana ang mga magnanakaw, corrupt, at halang ang bituka, dahil kailangan talaga nilang masikmura ang maruming kalakaran para lang manalo. Hindi na talaga tayo demokrasya, nasa kumunoy na tayo ng disgrasya
-Erik Espina