KUMPIYANSA si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na mabibigyan nang mas makabagong programa sa pagsasanay ang mga atletang Pinoy sa pangangasiwa ng Philippine Sports Training Center (PSTC).

Ayon kay Ramirez, mas magiging makabuluhan ang isinusulong na grassroots sports program ng ahensiya, ngayong may mapupuntahan ang mga atleta sa kanilang paghahangad nang mas mataas na antas ng pagsasanay.

Aprubado na sa Kongreso at Senado ang PSTC at kailangan na lamang ang lagda ng Pangulong Duterte para maging isang ganap na batas.

Malaki ang pasasalamat ni Ramirez, gayung ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng sariling lugar ang PSC upang gawing training hub ng mga atleta para sa kompetisyon na lalahokan ng Pilipinas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“This is the first time na talagang PSC na ang may-ari. Kasi Ang Rizal Memorial Coliseum, Baguio PSC at ang Philsports, hindi naman talaga sa PSC ‘yan. So nakikibahay lang tayo. But this time, para sa PSC na talaga and para sa mga atleta ang ating gagamitin,” pahayag ni Ramirez sa media briefing kahapon.

Ayon sa PSC chief, aabot ng P3.5 bilyon ang gagastusin sa pagsasagawa ng nasabing training center na itatayo sa Rosales Pangasinan.

“The 3.5 Billion pesos will come from the GAA (General Apropriation Act). There is a possibility that in the middle of 2019, masimulan na yung construction,” sambit ni Ramirez.

Kabuuang 20 ektaryang lupain ang masasakop sa pagsasagawa ng nasabing pasilidad kasama ang administrative building, athlete’s and coaches’ dormitory, baseball field, beach volleyball courts, bowling center, conference and seminar hall, covered swimming and diving pool.

Bukod dito, mayron ding itatayong gymnastics center, multi-purpose gymnasium, multi purpose field na maari ding gamitin sa archery, bmx track, lawn balls at pentaque field, rugby pitch, skeet and trap range, softball field, track and field oval, tennis courts, velodrome, villas for guests, sports science building, mess hall, recreation hall (AV room), library, weight training building, school buildings, media center at worship and meditation room.

Inaasahan na matatapos ang proyekto bago ang termino ng Pangulong Duterte.

-Annie Abad