HINDI pala natin namamalayan, marami nang Chinese nationals ang nakapasok sa ating bansa at ayon sa mga report, ay ilegal na nagsisipagtrabaho rito. Kung ganoon, naaagawan pa ang ating mga kababayan ng trabaho. Ano ba ito?

Plano ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa pagtatrabaho ng Chinese at Indian nationals sa Pilipinas. Ilang senador ang nagsabi noong Sabado na sakaling magkaroon ng pagdinig tungkol dito, hindi maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at ng China.

Sinabi ni Senate Pres. Vicente Sotto III, suportado mismo ng gobyerno ng China ang “crackdown” laban sa mga Tsino na lumalabag sa mga batas ng Pilipinas.

Noong Lunes, sinimulan ng Senate labor committee sa pamumuno ni Sen. Joel Villanueva ang pagsisiyasat sa illegal na pagpasok ng Chinese nationals na nagsisipagtrabaho at nag-ooperate umano ng online illegal gambling.

Naniniwala si Sotto na sa pag-iimbestiga ng Senado ay hindi lilikha ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa. Ayon sa kanya, nakikipagtulungan ang Chinese government sa ating gobyerno upang arestuhin ang mga Tsino na gumagawa ng mga krimen dito.

Sa pagdinig ng Senado, marami ang nagmumungkahi na siyasatin din ng mga senador kung papaanong nakalulusot ang bultu-bultong shabu sa kanilang immigration at customs, paliparan at pantalan upang mailusot naman sa Bureau of Customs (BoC) ng ‘Pinas.

Galit na galit si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa illegal drugs. Libu-libo na ang napatay ng mga pulis at vigilantes na pushers at users. Sana naman daw ay pinakiusapan niya ang kanyang BFF na si Chinese Pres. Xi Jinping na dumalaw dito kamakailan, na harangin ng kanilang customs at immigration authorities ang pagpupuslit ng mga shabu patungo sa ‘Pinas.

Hindi kailanman masusugpo ang illegal drugs na ipinangako noon ni PRRD na susugpuin niya sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan hanggang tone-toneladang shabu ang nanggagaling mula sa mainland China at naipupuslit sa PH BoC kasabwat ang mga tiwali at gahamang Customs officials at kawani.

oOo

Naniniwala ako na majority o karamihan sa mga Pilipino ay kumporme sa desisyon at kautusan ni Mano Digong na magpadala ng mga pulis at sundalo sa magugulong lugar sa Visayas at Bicol, partikular sa Samar, Negros Oriental, Negros Oriental, at ilang lalawigan sa Bikol.

Ang elite force ng Philippine National Police (PNP), ayon kay PNP Chief Supt. Benigno Durana, ay ang SAF (Special Action Force) na binubuo ng 100 sanay at bihasang mga tauhan sa mga lugar na pinamumugaran ng New People’s Army at naghahasik ng karahasan, pagpatay, pagkidnap laban sa mga sibilyan, sundalo at pulis.

Tiniyak ng Malacañang na ang pagpapadala ng reinforcements ay hindi magiging daan tungo sa pagdedeklara ng martial law. Nais lang ng Palasyo na masugpo ang paghahasik ng lagim ng NPA rebels upang ang mga mamamayan doon ay makapamuhay nang matiwasay.

-Bert de Guzman