MAHIGIT 200 kalahok ang nakiisa sa United Nations Women Philippines at Belgium Embassy sa Maynila, sa pagdaraos ng kampanya para maiwaksi ang karahasan laban sa kababaihan sa Pilipinas, kamakailan.
Sa kabila ng buhos ng ulan, nagpatuloy sa pagpadyak sina Belgian Ambassador Michel Goffin, Philippine Commission on Women executive director Emmeline Versoza, kasama ng mga aktibista at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, patungo sa Intramuros upang ipagdiwang ang 2018 International Day for the Elimination of Violence Against Women and Girls, nitong Nobyembre 25.
Orange ang kulay na itinalaga ng UNiTE campaign na sumisimbolo sa “a brighter future without violence.”
Dahil hindi inasahan ang bilang ng dadalo, ikinatuwa ni Goffin ang kinalabasan ng event na pinangunahan ng embahada, “Pedal Your Way Towards A Violence-Free World for Women and Girls.”
“We are proud to have so many people in orange. At first, I was saying we’d be happy with 30 people, now we have 200 registered,” aniya.
Matindi ang pagsisikap ng Belgium na malabanan ang mga pang-aabusong kaugnay ng kasarian bilang ikinokonsidera ang isyu na isang mahalagang elemento sa pagkakapantay ng kababaihan at kalalakihan.
Kasabay ng pagbanggit sa 2017 Philippine Statistics Authority’s National Demographic and Health Survey, sinabi ni Versoza na nasa 24 porsiyento ng mga Pilipinang nasa edad 15 hanggang 45 ang nakararanas ng pisikal, sexual, at emosyonal na pang-aabuso mula sa kanilang mga asawa o partner.
“They’ve been doing this survey since 2008 and the figure then was 29 percent, so from 29 to 24, that’s not a lot, that’s very slow, therefore we need such campaigns rallying different groups to join this campaign,” sambit niya.
“The numbers give us an alarming figure, and this continues to happen,” dagdag ni Versoza. “We should stand up and say no to this feudal macho culture.”
PNA