ANUMAN ang sabihin ng sinuman, ang pagtungo ni Chairman Al Hadj Murad Ebrahim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City ay mistulang lumagot sa tanikala ng girian, wika nga, na nagiging balakid sa pagtatamo ng kapayapaan sa Mindanao – at sa ating bansa sa kabuaan. Isipin na lamang na ang pinakamataas na lider ng naturang grupo ay yumapak, sa kauna-unahang pagkakataon, sa teritoryo ng mga sundalo na laging nakakasagupa ng noon ay tinaguriang mga rebeldeng Muslim; labanan ng mga kapwa Pilipino na nagiging dahilan ng pagdanak ng dugo.
Ang makasaysayang pagbisita ni Murad sa Armed Forces of the Philippines (AFP) headquarters-- at ng kanyang pakikipagkita kay AFP Chief of Staff Carlito Galvez, Jr. – ay marapat lamang tularan ng iba pang mga grupo na hanggang ngayon ay naghahasik pa ng mga panliligalig sa mga komunidad. Walang katapusang paghikayat ang kailangan upang ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Maute Group at iba pa ay makiisa na sa mga adhikain ng MILF. Panahon na upang talikuran nila ang malagim na pakikidigma sa mga tropa ng pamahalaan na walang ibang pakay kundi pangalagaan ang katahimikan ng sambayanan.
Kung hindi ako nagkakamali, si Chairman Nur Misuari ng Moro National Liberation Front (MNLF) ay paulit-ulit na ring nakipagkita kay Pangulong Duterte upang ipahayag ang kanyang pagsuporta sa mga pagsisikap na matamo ang tinatawag na lasting peace sa kapuluan. Nakalulungkot nga lamang na may mga pagkakataon na ang minsan ding tinaguriang mga MNLF rebels – kabilang na ang ilang miyembro ng MILF, BIFF at iba pa-- ay nadadawit pa rin sa karumal-dumal na mga krimen na tulad ng kidnap-for-ransom at iba pa. Malimit na naiipit sa ganitong mga anyo ng kriminalidad ang mismong mga sibilyan na tahimik lamang na namumuhay.
Panahon na rin upang makipagdaupang-palad ang tinagurian ding mga Communist rebels na deka-dekada na ring nakikidigma sa mga tropa ng gobyerno. Marapat lamang samantalahin ng mga lider ng Communist Party of the Philippines / National Democratic Front / New People’s Army (CPP / NDF / NPA) ang mistulang pakikipagyakapan sa kanila ng Duterte administration. Isang magandang palatandaan ang pahayag ng Malacañang, na sina Luis Jalandoni at Fidel Agcaoli ay hindi aarestuhin sa kanilang pag-uwi sa bansa para sa isang informal peace talks.
Sa pagpapamalas ng gayong mga pagsisikap, kailangan ding magpamalas ng katapatan ang naturang mga grupo – Muslim rebels, Communist groups at ang mismong gobyerno –sa pagbalangkas ng makatotohanang mga kasunduan; katapatang walang kaakibat na pagkukunwari at pagtataksil upang matamo ang tunay na pangmatagalang kapayapaan; upang tuluyang malagot ang tanikala ng girian na nagbubunga ng patayan ng kapwa mga Pilipino.
-Celo Lagmay