HINDI man pumasok sa finals ang mga perrenial contenders San Miguel Beer at Barangay Ginebra, inaasahang magiging klasiko pa rin ang tapatan ng mga finalists na Alaska at Magnolia.
Bukod sa dikdikang bakbakan, dagdag na excitement din ang matagal na pagsisimula ng finals series sa MOA Arena sa Disyembre 5 dahil tiyak na makapaghahanda ng maayos ang dalawang koponan.
Aabangan din ang tapatan ng dating backcourt tandem mula sa nagsarang ligang MBA para sa hangad nilang unang coaching title sa PBA at unang titulo para sa kani-kanilang koponan sa loob ng apat na taon.
Sa katunayan, walang naipanalo ang Aces sa apat nilang title playoffs habang bigo naman ang Hotshots sa nakaraang title duel kontra San Miguel Beermen sa Philippine Cup.
“It’s a battle between two of the most disciplined teams in the league,” ani Magnolia board representative Rene Pardo.
“Wala akong nakikitang advantage namin, pero wala rin naman akong nakikitang disadvantage. Pero syempre positive kami na kaya namin kunin ang championship,” pahayag naman ni Magnolia coach Chito Victolero.
“I have no idea (on how would the series go). What do I know? I expect a great series. About the player matchup, alam natin lahat magaling si Paul (Lee), si Jio (Jalalon), si Mark (Barroca), si Ian (Sangalang), si PJ (Simon) at si Romeo Travis. But how they’re playing as a team is the bigger issue,” pahayag ni Alaska coach Alex Compton.
“I love how they play offensively and defensively. Ibig sabihin nyan I would hate watching the tape to review their game. I expect a great series,” aniya.
Pitong beses ng naglaban sa titular series sa nakalipas na walong taon.
Pupuntiryahin ng Aces ang kanilang ika-15 pangkalahatang titulo habang pang-14 naman ang target ng Hotshots.
-Marivic Awitan