Itinaas kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang “Blue” alert status upang masusing subaybayan ang mga magiging epekto ng pananalasa ng bagyong ‘Samuel’ sa Visayas at Mindanao.

STRANDED Bunsod ng bagyong ‘Samuel’, mahigit 1,000 pasahero ang naipit sa mga port sa Cebu, dahil sa mga nakanselang biyahe patungong Bohol at Eastern Visayas, kahapon. (JUAN CARLO DE VELA)

STRANDED Bunsod ng bagyong ‘Samuel’, mahigit 1,000 pasahero ang naipit sa mga port sa Cebu, dahil sa mga nakanselang biyahe patungong Bohol at Eastern Visayas, kahapon. (JUAN CARLO DE VELA)

Ayon kay NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo Jalad, itinaas nila ang alert status pagkatapos ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting sa NDRRM Operations Center sa Camp Aguinaldo, Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Dumalo sa pulong ang mga pinuno ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), National Economic Development Authority (NEDA), Department of Science and Technology-Philippine Athmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DoST-PAGASA), Mines and Geosciences Bureau (MGB), Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), Philippine Coast Guard (PCG), pulisya, militar, at iba pa.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

28 LUGAR, SIGNAL NO. 1

Habang isinusulat ang balitang ito, nasa 28 lugar ang isinailalim sa Signal No. 1 ilang oras bago mag-landfall ang Samuel sa sa Samar-Leyte-Dinagat areas nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Benny Estareja, weather specialist ng PAGASA, bandang 2:00 ng hapon kahapon ay namataan ang Samuel sa 260 kilometro sa silangan ng Maasin City, Southern Leyte, o 185 kilometro sa silangan-timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar, at inaasahang tatama sa lupa sa katimugang Eastern Samar o sa Dinagat Islands, Martes ng gabi.

Napanatili ng bagyo ang lakas ng hangin nito sa 55 kilometers per hour (kph), at bugsong hanggang 65 kph, at patuloy na kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Nagpaulan na kahapon ang Samuel sa Eastern Visayas, Bicol Region, Southern Luzon, at Mindanao, habang nasa Signal No. 1 ang Masbate, kabilang ang Ticao Island, Romblon, katimugang bahagi ng Oriental at Occidental Mindoro, hilagang Palawan, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, at Biliran.

Nasa Signal No. 1 din kahapon ang Leyte, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Siquijor, Negros Oriental, Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, at Camiguin.

“The winds may likely be weaker than what we are expecting but Samuel will still bring moderate to heavy rains that can inundate or trigger landslides over low-lying or mountainous areas,” babala ni Estareja.

HANDA SA BAGYO

Nagbabala rin ang DENR-MGB ng landslides sa Southern Luzon, Bicol, Regions VI, VIII at CARAGA, habang naghanda na ng mga ipamamahaging pagkain at non-food items ang DSWD na may kabuuang halagang R2,137,286,254.23.

Samantala, kinumpirma kahapon ng PCG na 3,153 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Bicol, Visayas, at Mindanao dahil sa bagyo.

Kasabay nito, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa lahat ng paaralan sa limang lalawigan at anim na siyudad sa Caraga, habang nagsagawa na rin ng preemptive evacuation.

Sa taya ng PAGASA, ngayong Miyerkules ng umaga ay mararamdaman ang bagyo sa San Remigio, Antique, at pagsapit ng Huwebes ng umaga ay nasa 265 kilometro na ito sa kanluran-hilagang-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.

Ayon kay Estareja, inaasahang nakalabas na ng bansa ang Samuel pagsapit ng Huwebes ng gabi.

-FRANCIS T. WAKEFIELD at ELLALYN DE VERA-RUIZ, ulat nina Mike Crismundo at Fer Taboy