‘DI ko magawang magsawalang-kibo sa napansin kong sobrang pananahimik ng mga opisyal ng pulis at militar sa sa pag-aresto kay dating First Lady at ngayon ay Ilocos Norte 2nd District Rep. Imelda R. Marcos na hinatulang makulong ng 42 hanggang 77 taon, matapos na mapatunayang guilty ng Sandiganbayan Fifth Division dahil sa pagkakaroon ng ilang Swiss bank accounts sa panahong presidente pa ng bansa ang kanyang asawang si Ferdinand Marcos.
Puro palusot ang naririnig kong sagot ng mga ito, lalo na nang bumaha nang pagtuligsa sa social media at ikumpara ang malamig na pagtugon nila sa kaso ni Imelda sa sobrang agresibo namang pagkilos nila noon sa kaso ni Senador Antonio Trillanes IV, para sa kasong rebelyon kahit na wala pang warrant of arrest mula sa mga korteng may hawak ng kaso.
Anong “mayroon” kaya si Imelda na wala si Trillanes? Lumitaw ng husto na ang liderato ng pulis at militar ay “nakatingin” lamang sa unang may kaso, samantalang sobrang “nakatitig” naman sa ikalawang may kaso?
Sa kaso ni Trillanes noon, sobrang dami ng mga pulis at militar na nag-kampo na yata sa loob ng compound ng Senado sa Pasay City, para arestuhin siya nang lumabas ang kautusan ng Pangulo na binabalewala ang amnestiyang nakuha ng grupo nito. Ang nagkanlong sa kanya ay ang Senado sa loob ng halos isang linggo, upang makaiwas sa naka-ambang pagdakip sa kanya – gayung wala pang warrant of arrest laban sa kanya mula sa mga korte.
Samantalang si Imelda, na direktang hinatulan ng anti-graft court ng pitong bilang ng graft – na hindi niya siniputan nito at ng kanyang mga abogado -- ay nagawa pang makipag-party sa birthday ng kanyang anak na si Gov. Imee Marcos, at wala ni isang anino ng mga pulis at militar!
At take note – ang kasama niya sa “partying” ay walang iba kundi ang mga “heavyweight” ngayon sa administrasyong ito na sina Davao City Mayor Sara Duterte - Carpio at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo!
Kaya ‘di nakapagtatakang walang gustong kumibo sa mga opisyales ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa order na ito ng anti-graft court kahit na may mga warrant na para sa pitong kaso ng graft.
Sabi nga ng ilan sa mga kritiko ng administrasyong ito: “Kung ordinaryong Pilipino at mga aktibista ang naisyuhan na nga warrant of arrest, mabilis pa sa alas k’watro ang mga pulis para mang-aresto. It is highly unacceptable for the PNP to say that they have yet to receive the copy of the warrant since in the case of mass activists, arrests are made even without a warrant. Napaka-double standard!”
Ito ‘yung palagi kong sinasabi na ang mga pulis at militar – dapat walang “tinititigan” na mga akusado maging sinuman ang mga ito, lalo na kung mga pulitiko na mga naka-puwesto.
Ngunit sa kalakaran ngayon sa ating lipunan na ang mga pinuno ng PNP at AFP ay “highly politicized” o nababaon sa malalim na “utang na loob” sa mga pulitikong naging ninong nila upang makaupo sa mataas na puwesto sa PNP at AFP, malabo pa sa sabaw ng sinaing na makakuha ng parehas na pagtrato ang mga ordinaryong mamamayan sa mga ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.