NANG halos pasigaw na iutos ni Pangulong Duterte na ‘Kill all fixers at the Bureau of Customs (BoC)’, gusto kong maniwala na talagang umabot na sa sukdulan ang kanyang pagkagalit sa talamak na katiwalian sa naturang ahensiya ng gobyerno; kaakibat ito ng iba pang mga kabulukan sa pamamahala na dantaon nang hindi maaksiyunan ng nakalipas at maging ng kasalukuyang mga administrasyon.
Gusto ko ring paniwalaan na ang naturang direktiba ng Pangulo ay silakbo lamang ng kanyang damdamin at may himig pagbibiro. Natitiyak ko na nais lamang niyang lipulin ang kurapsiyon na laging gumigiyagis sa lahat halos ng tanggapan ng pamahalaan. Hindi lamang BoC ang pinamumugaran ng mga mangungulimbat, gahaman sa salapi na hindi nila pinagpawisan, nabubuhay sa pangingikil at mistulang pagnanakaw; maging sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Immigration (BI) at mga Government-Owned and Controlled Corporations ay talamak din ang mga tiwali.
Nais ko ring maniwala na sumagad na rin ang panggagalaiti ni BoC Commissioner Rey Guerrero sa patuloy na pamamayagpag ng mga pasaway sa BoC. Bagamat hindi pa siya halos nag-iinit sa panunungkulan, hindi niya napigilang ibulalas: “Hindi naman ninyo madadala sa libingan ‘yan.” Maliwanag na ang kanyang tinutukoy ay mga salapi na produkto ng pagsasamantala ng ilang tauhan ng naturang tanggapan; biyaya na katumbas ng kanilang pagsawsaw sa bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kontrabando na ipinupuslit sa naturang tanggapan.
Ang nasabing pahiwatig ni Guerrero ay bunsod ng matinding utos sa kanya ng Pangulo kaugnay ng pagpuksa ng mga katiwalian sa BoC – isang problema na walang kalutasan hanggang ngayon. Ito ang natitiyak kong pagtutuunan ng pansin ng bagong pamunuan. Magiging katuwang niya rito, sa aking pagkakaalam, ang kanyang mga mistah o kapuwa kadete sa Philippine Military Academy – at mga sundalo na nauna nang inatasan ng Pangulo sa paglipol ng mga alingasngas at pagsasamantala sa nabanggit na tanggapan.
Hindi ba maging si Senador Dick Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ay minsan na ring nanggalaiti sa graft and corruption sa BoC? Kaugnay ito nang kanyang iutos ang detention o pagpapakulong kay dating BoC Commissioner Faeldon na inimbestigahan sa sinasabing milyun-milyong ‘tara’ na bunsod ng umano’y pagpupuslit ng bilyun-bilyong pisong illegal drugs.
Sa kabila ng gayong nakadidismayang mga pangyayari, gusto kong makiisa sa pananaw ng Pangulo: Milagro na lamang ang ating hihintayin upang ganap na malutas ang mga katiwalian sa BoC at sa iba pang tanggapan ng gobyerno.
-Celo Lagmay