KUNG naniniwala ka sa mga survey, lalo na sa survey ng Social Weather Stations (SWS), tumaas daw ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho nitong 3rd Quarter ng 2018. Sumikad sa 9.8 milyon ang mga kababayan natin na jobless o walang hanapbuhay.
Sa survey na ginawa noong Setyembre 15-23, lumitaw na ang jobless adults sa Pilipinas ay tumaas mula sa 19.7% nitong Hunyo at naging 22% nitong Setyembre. Mas mababa ito sa 23.9% na nairekord noong Marso.
Ayon sa SWS, kumakatawan ang bilang na ito na tumaas ng aabot sa 1.2 milyon ang bilang ng walang trabahong Pinoy, na 8.6 milyon noong Hunyo. Ang itinuturing na jobless Filipinos ay iyong kusang umalis sa trabaho, nawalan ng trabaho bunsod ng pang-ekonomiyang kadahilanan na hindi nila kontrolado (retrenched), at mga kababayan natin na ngayon lang naghahanap ng trabaho, tulad ng bagong graduates.
Calling Labor Sec. Silvestre Bello III at presidential spokesman Salvador Panelo. Tandaan ninyo na ang pagkakaloob ng trabaho sa mga mamamayan ang isa sa pangunahing pangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong kampanya kaya siya ibinoto ng 16.6 milyong Pinoy. Isipin na lang natin: Wala nang trabaho, mataas pa ang presyo ng mga bilihin. Saan ka pupunta kababayan?
oOo
Dahil sa kanyang edad at kalagayan ng kalusugan, maaaring makaiwas si Ilocos Norte Rep. Imelda R. Marcos, dating First Lady, na makulong matapos hatulan ng guilty ng Sandiganbayan sa kasong kurapsiyon noong panahon ng martial law.
Gayunman, kahit hindi agad mabilanggo si Mrs. Marcos na inisyuhan ng arrest warrant ng korte, sinabi ng kanyang mga kritiko at kalaban na hindi naman nito nababawasan ang bigat ng kanyang pagkakasala sa taumbayan. Hiniling nila kay PRRD na huwag bigyan ng special treatment si Mrs. Marcos, dahil kaalyado niya ang pamilya nito.
oOo
Pinagtibay ng Korte Suprema ang constitutionality ng K-12 basic education program ng gobyerno. Batay sa 94-pahinang desisyon ng SC noong Oktubre 9, sinang-ayunan ng siyam na mahistrado na constitutional o naaayon sa batas ang Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013.
Dinismis ng SC ang mga petisyon na inihain laban sa K-12 ng mga paaralan, guro, propesor at organisasyon na kumukwestiyon sa constitutionality ng programa. Inalis din ng SC ang Temporary Restraining Order na pumipigil sa pagtuturo ng Filipino at Panitikan bilang core subjects ng K-12 college curriculum. Ano ang masasabi mo rito kabayang Virgilio S. Almario, aka Rio Alma, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at puno ng NCCA (National Commission for Culture and Arts)? Maraming guro sa Filipino ang baka mawalan ng trabaho.
oOo
May mga nagtatanong kung bakit parang atubili si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na pamunuan ang National Bilibid Prisons na binakante ni ex-PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa. Bakit nga kaya? Habang isinusulat ko ito, hindi pa yata nagpupunta si Faeldon sa NBP.
-Bert de Guzman