Inihayag kahapon ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III na masusing pag-aaralan ng ahensiya ang P610 na kinokolekta para sa fare matrix o taripa na kailangan ng mga driver ng pampasaherong jeep para makasingil ng bagong P10 minimum na pasahe.
Sinabi ni Delgra na matagal nang ipinatutupad ng LTFRB ang pagsingil sa mga jeepney drivers ng nasabing halaga para makapaningil ng bagong pasahe.
Una nang iginiit ni Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) President George San Mateo na libre ang fare matrix sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nabatid na dismayado rin ang mga grupo ng transportasyon at mga tsuper ng jeep dahil napakatagal ng proseso bago makakuha ng kopya ng bagong taripa para sa taas-pasahe sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Tagalog.
Paliwanag ng LTFRB, P40 sa P610 fare matrix fee ay para sa franchise verifications, P50 para sa fare matrix, at P520 naman para sa increase rate.
Nitong Lunes, may kabuuang 2,365 fare matrix ang inilabas ng LTFRB sa mga jeepney operators sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Luzon bilang palatandaan ng pagpapatupad ng dagdag-pasahe.
Nasa 803 fare guides ang inilabas sa National Capital Region office ng LTFRB, habang 717 fare matrices ang ipinamahagi sa Region 3 office, 566 sa Region 4, at 279 sa Central Office.
-Jun Fabon