Handang-handa na si one-time Olympian at IBF No. 1 minimumweight Mark Anthony Barriga na sungkitin ng IBF mini-flyweight title sa laban kay IBF No. 3 Carlos Licona ng Mexico sa Disyembre 1 sa Staples Center sa Los Angeles, California sa United States
Noong nakaraang Mayo 13, tinalo ni Barriga si two-time world title challenger Gabriel Mendoza ng Colombia sa 12-round unanimous decision sa SM City North EDSA Skydome sa Quezon City sa IBF minimumweight eliminator bout para magkaroon ng karapatan sa bakanteng korona.
Unang lumaban si Barriga sa abroad noong Setyembre 29, 2017 sa Beijing, China nang talunin sa puntos si one-time world title challenger Samartlet Kokietgym ng Thailand para maiuwi ang WBO International minimumweight belt.
May rekord si Barriga na perpektong 9 panalo na may 1 pagwawagi sa knockout kumpara kay Licona na may kartadang perpektong 13 panalo na may 2 pagwawagi sa knockouts.
Naging WBO Latino minimumweight titlist naman si Licona nang talunin si one-time world title challenger Janiel Rivera noong Abril 7, 2018 sa Ponce, Puerto Rico.
Magsisilbing undercard ang laban nina Barriga at Licona sa pagdedepensa ni WBC heavyweight titlist Deontay Wilder sa dating undisputed heavyweight champion na si Tyson Fury kaya malaking media mileage ang matatamo ng dalawang minimumweight boxer.
-Gilbert Espeña