Dear Manay Gina,
Ang pakiramdam ko ay nakabilanggo ako sa kasal namin ng kaliwete kong asawa. Minsan ko na po siyang nahuling nangaliwa, 10 years ago. Pero matapos ang maikling hiwalayan kami ay nagsamangmuli, alang-alangsa ikakabuti ng aming pamilya. Pero ngayon, after 40 years of marriage, natuklasan ko na muli na naman siyang nangaliwa, napakasakit ng nararamdaman ko at parang hindi ko na kayang mabuhay, kasama sa bahay ang isang sinungaling na binabastos ang aming kasal. Ano po kaya ang dapat kong gawin?
Minnie
Dear Minnie,
Naiintindihan kita. Masakit talaga ‘yan, kasi makalipas ang apat na pung taon ay nagawa pang ipagkanulo ng iyong mister ang kasagraduhan ng inyong pagmamahalan. At habang tayo’y tumatanda, mas bumibigat ang epekto niyan sa ating pagkatao, dahil mahirap tanggaping inaksaya natin ang kabataan sa isang taong hindi marunong gumalang sa ating damdamin.
Dahil ayaw mo namang balewalain ang 40 years ng inyong pagsasama at ayaw mo ring masira nang tuluyan ang inyong kasal, siguro, payuhan mo siyang tumira muna sa isang hiwalay na apartment, malayo sa inyong tahanan habang siya ay aktibo sa kanyang pangangaliwa. Huwag mong ipasok sa ‘yong isipan ang permanenteng hiwalayan. Sa halip, ipadama mo sa kanya ang buhay na malayo sa kanyang pamilya. Sa ganitong paraan, kasal pa rin kayo pero mabubuhay kang malaya sa kaliwete at sinungaling mong asawa. Pero sumangguni ka rin sa isang abogado para makagawa ng panuntunan tungkol sa pananalapi. Sa ganitong paraan, makikita ng iyong mister na seryoso ka sa pagnanais na magkaroon ng malinis na pagsasama at madarama niya kung paano mabuhay nang malayo sa mga taong nagmamahal sa kanya, kung hindi siya magpapakatino.
Nagmamahal,
Manay Gina
“You hurt your spouse, not so much by the infidelity, but by the negative feelings about yourself that you bring home.”--- Michael Zaslow
_____________________________
Ipadala angtanongsadear.inangmahal @gmail.com
-Gina de Venecia