WALANG alinlangan na ang pagtanda ay hindi kailanman balakid sa mabunga o produktibong pamumuhay. Dahil dito, naniniwala ako na ito ang dahilan kung bakit ang Anakabuhayan -- isang health advocacy group -- ay nagbunsod ng mga panukala para sa kapakanan ng nakatatandang mga mamamayan o senior citizens.
Makabuluhan ang nakahaing resolusyon sa Kamara hinggil sa pagpapababa ng edad o age bracket ng mga tatanggap ng P100,000 incentive sa ilalim ng Centenarians Act (CA) of 2016. Ang naturang halaga ay ipinagkakaloob sa sinumang senior citizen na sumapit sa 100 taong gulang o higit pa. Sa isinusulong na amyenda sa CA, ang ating nakatatandang mamamayan na sumapit sa 90 anyos ay pagkakalooban naman ng P90,000 incentive benefit o pampasiglang biyaya.
Totoo na ang nabanggit na biyaya ay kakarampot lamang, lalo na kung isasaalang-alang ang malaking halaga na kailangan ng mga senior citizen para sa kanilang mga medisina at iba pang mahigpit na pangangailangan. Idagdag pa rito ang walang humpay na pagtataas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga produkto ng langis na lumilikha ng kawing-kawing na pagdurusa ng sambayanan, lalo na ang mga nakalugmok sa karalitaan.
Naniniwala ako na ang naturang incentive benefit, bagamat katiting lamang, ay sumasagisag sa makatuturang misyon ng mga centenarians noong kasiglahan pa ng kanilang pamumuhay. Hindi maaaring maliitin ang pag-agapay nila sa pagsusulong ng mga programang pangkaunlaran, lalo na sa nation building. Naging bahagi sila ng 3,900 centenarians sa ating bansa na gumanap ng mahahalagang tungkulin sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran.
Dangan nga lamang at ang 2,000 sa kanila, tulad ng isinasaad sa record ng Kongreso nitong nakalipas na taon, ang nakatanggap ng biyaya sapagkat ang karamihan sa kanila ay nakaratay na sa banig ng karamdaman.
Gayunman, lalong dapat paigtingin ang kahilingan upang madaliin ng mga mambabatas ang pagsusog sa CA. Lalong dapat paigtingin ang kahilingan kay Pangulong Duterte na sertipikahan bilang ‘urgent’ ang nabanggit na panukala na sususog sa naturang batas.
Ang CA, lalo na ang magiging amyenda nito, ay natitiyak kong isang epektibong patnubay sa mga senior citizen upang maging maingat sa pangangalaga ng kanilang kalusugan -- upang maging centenarians.
Ito ang lagi nating itanim sa utak, lalo na ngayong araw na ito na sa awa ng Dakilang Manlilikha, isa na akong octogenarian. Sana, maging isa ring nonagenarian at sa kalaunan ay isang centenarian.
-Celo Lagmay