GUSTO kong maniwala na umabot na sa sukdulan ang panggagalaiti ni Pangulong Duterte sa talamak na katiwalian na gumigiyagis sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan lalo na sa Bureau of Customs (BoC): humantong ito sa pagkakatanggal kay Commissioner Isidro Lapeña na inilipat sa Technical Education and Skills Development Authority TESDA). Sinundan ito ng mistulang pagwawalis sa lahat ng hepe ng iba’t ibang dibisyon ng naturang tanggapan.
Nagulat ako sa utos ng Pangulo; Alisin o ilagay sa floating status ang lahat ng opisyal ng BoC. Hindi ko matiyak kung kabilang sa mga nasagasaan sa utos ng mga career officials at civil service eligible na ang security of tenure ay pinangangalagaan ng mga batas. Isipin na pati ang BoC intelligence agent na si Jimmy Guban ay ipinaaaresto ng Pangulo kahit na umano walang arrest warrant. Dahilan ito upang umalma ang Senado at naninindigan na ang nasabing ahente ay dapat manatili sa kustodiya ng naturang kapulungan.
Hindi mahirap unawain ang walang habas na pagbalasa ng Pangulo sa BoC na laging nagiging eksena ng pagpupuslit ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kontrabando. Hanggang ngayon ay binubusisi pa sa Senado at Kamara ang kontrobersiyal na drug smuggling na mahimalang nakalusot o pinalusot ng mga tiwaling opisyal ng nabanggit na ahensiya. Sana ay magkaroon ng positibong resulta ang gayong mga imbestigasyon at hindi matulad sa iba pang masasalimuot na isyu na walang nangyari.
Totoo na walang ahensiya -- pribado man o hindi -- ang may monopolyo ng mga alingasngas. Halos lahat ng tanggapan ng gobyerno ay pinamumugaran ng mga tiwali na walang inaalagata kundi makisawsaw sa mga transaksiyon para sa kanilang sariling kapakanan: kahit na ang ganitong gawain ay taliwas sa umiiral na mga alituntunin hinggil sa matino at malinis na paglilingkod.
Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit halos sumuko ang Pangulo sa paglipol ng mga kurapsiyon, lalo na ang pagpuksa ng illegal drugs. Hindi makatkat sa aking utak ang mistulang pagsusumamo ng Pangulo: Tulungan ninyo ako; hindi ko na kaya ito. Maliwanag na ang kanyang tinutukoy ay mga katiwalian at mga tiwaling lingkod ng bayan na ayaw kumalas sa mga pagmamalabis, pangungulimbat at lihim na adhikaing pabagsakin ang kanyang administrasyon.
Nais kong bigyang-diin na higit pa ring nakararami ang mga tauhan ng pamahalaang matapat sa kanilang sinumpaang misyon. Dapat lamang ingatan ng sinuman na ang mga katuwang sa paglikha ng isang malinis na gobyerno ay hindi maidamay sa tiwaling paglilingkod.
-Celo Lagmay