KAKAIBANG experience ang naranasan ng veteran actress na si Glenda Garcia para sa Halloween Special ng Wish Ko Lang ngayong Sabado.
Totoo kasing humiga sa kabaong si Glenda para gampanan ang kanyang karakter, habang nagpamalas naman ng kakaibang acting ang co-star niyang si Edgar Allan Guzman, na gumanap bilang anak niyang nasapian.
Iikot ang episode ngayong Sabado sa naranasan ng isang pamilya matapos na pumanaw ang kanilang ilaw ng tahanan. Buong mag-anak ni Leonora (Glenda) ang nagluksa sa kanyang pagpanaw, pero labis na naapektuhan ang mabait at paborito niyang anak na si Jojo (Edgar Allan).
Subalit habang nakaburol si Leonora, kinilabutan ang marami sa pagsanib niya umano sa ilang nakikiramay sa kanyang burol. Ano kaya ang gustong ipahiwatig ni Leonora sa mga naulila niya?
Lalong nabahala ang mag-anak nang sumapi na raw ang kaluluwa ni Leonora kay Jojo. Naging madalas ito at nagpatuloy pa kahit pa nailibing na siya. Hindi raw matahimik si Leonora, na matindi rin ang galit sa kanyang mister na may malaking kasalanan daw sa kanya.
Tunghayan ang pagganap nina Glenda at Edgar Allan, kasama sina Nats Sitoy at Dan Alvaro, sa Wish Ko Lang, kasama si Vicky Morales, ngayong Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana, sa GMA-7.