Handang palagan ni dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Atty. Rowena Guanzon ang naging hamon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na samahan siyang mag-ehersisyo ng mga taong tumutuligsa sa kaniyang kalusugan.
Matatandaang tila hindi napigilan ni PBBM na saglit na magsagawa at magpakita ng ehersisyong jumping jacks sa publiko noong Lunes, Abril 13, 2026, upang ipakitang nananatili pa rin siyang malusog.
Bago ianunsyo ng Pangulo ang suspensyon ng excise tax para sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kersone, bigla itong nagtalon-talon kasabay ang pagbuka at pagtiklop ng kapuwa niya mga paa at braso.
Ani PBBM, hinahamon niya raw ang mga taong nagsasabing mayroon siyang sakit.
“I challenge anyone who says that I am sick, that they come and exercise with me. We will see who’s stronger,” diin niya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM napa-jumping jack, hinamon mga bumabatikos sa kalusugan niya!
Ayon naman sa naging tugon ni Guanzon sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Abril 14, makikita ang pagbabahagi niya ng sinaad ng Pangulo at sinabi niyang handa siyang sumabay rito.
Aniya pa, mamili raw si PBBM kung sparring sa boksing o wrestling ang kanilang gagawin at ibabalik daw ng huli ang umano'y ninakaw nito at magpapa-hair follicle test kapag siya ang mananalo.
“Game! Sparring ba o wrestling? Pagnanalo [ako] ibalik mo lahat ng ninakaw mo plus [hair] follicle test,” mababasa sa simula ng caption ni Guanzon.
Screenshot mula sa FB post ni Guanzon.
Pagpapatuloy ng abogado, titigil naman daw siyang mambatikos at handang lumuhod kay PBBM kapag siya ang natalo ng huli.
“[Kapag] ako natalo titigil ako kakabatikos sayo at luluhod sayo Bongbong Marcos,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, tugon, o reaksyon si PBBM kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Guanzon kay PBBM: 'Pwede ka bang gumanap na Hudas sa Senakulo?'
KAUGNAY NA BALITA: Excise tax sa LPG at kerosene, sinuspinde na ni PBBM!