ORLANDO, Fla. (AP) — Hataw si Damian Lillard sa naiskor na 41 puntos, tampok ang 34 sa second half para sandigan ang Portland Trail Blazers laban sa Orlando Magic, 128-114,nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nag-ambag si CJ McCollum ng 22 puntos at tumipa si Jusuf Nurkic ng 18 puntos at 10 rebounds para sa Blazers.

Nanguna si Nikola Vucevic sa Orlando sa naiskor na 24 puntos at 11 rebounds, habang kumana si Terrence Ross ng 21 puntos mula sa bench at umiskor sina Aaron Gordon at Evan Fournier ng tig-17 puntos.

Pinangunahan nina Lillard at McCollum ang ratsada matapos makadikit ang Orlando mula sa 13 puntos na paghahabol 102-99 may 7:54 ang nalalabi. Nagtumpok ng pinagsamang 22 sa huling 26 puntos ng Blazers ang dalawa para sa panalo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

PISTONS 110, CAVALIERS 103

Sa Detroit, nanatiling malinis ang karta ng Pistons sa 4-0 nang gapiin ang Cleveland Cavaliers.

Kumubra si Andre Drummond ng 26 puntos at 22 rebounds

Naglaro ang Cavaliers na wala ang leading star na si Kevin Love bunsod ng injury . Nalaglag ang Cavs sa 0-5 – pinakamasamang simula mula noong 2003-04 season kung saan isang rookie si LeBron James na nagpasyang muling lisanin ang Clevelnad para makalaro sa Los Angeles Lakers.

Matapos umiskor ng 50 puntos sa laro kontra Philadelphia kamakalawa, kumana si Blake Griffin ng 26 puntos habang umiskor si Reggie Jackson ng 16 puntos para sa Pistons.

Nanguna si Kyle Korver sa Cleveland na may 21 puntos.