SA sinasabing pagkakapuslit ng daan-daang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso, natitiyak ko na magiging madali ang pangangalap ng campaign funds ng mga kandidato na umano’y kasama sa narco-list ng Duterte administration. Hindi malayo na ang naturang mga kandidato na tinaguriang mga narco-bets ay maaaring makipagsabuwatan sa mga pushers at druglords na naging kaagapay nila sa pagtampisaw sa illegal drugs; lalo na ngayon na ang smuggled shabu ay sinasabing naibiyahe na sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Sa gayon, lalong lolobo ang campaign funds ng mga narco-bets na magiging barometro ng kanilang kandidatura sa napipintong mid-term polls.
Sa bahaging ito, naniniwala ako na marapat bilisan ni Pangulong Duterte ang pagrepaso sa kanyang desisyon hinggil sa pagpapalabas ng narco-list bago idaos ang nasabing halalan. Maaaring ayaw ng Pangulo na maging padalus-dalos sa kanyang aksiyon bagama’t ang naturang listahan na inihanda ng iba’t ibang law enforcement agencies ay kapani-paniwala umano at hindi mga propaganda upang siraan ang mga kandidato.
Totoo na dapat lamang isaalang-alang ng Pangulo ang karapatan at kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mga pulitiko na kabilang sa narco-list, bago magpasiya kung ilalabas niya o hindi ang nasabing listahan bago idaos ang eleksyon. Nais lamang marahil ng Pangulo na matiyak na ang idaraos na halalan ay malinis at tahimik at maglalarawan ng tunay na hangarin ng sambayanan.
Ang pagpapalabas ng nabanggit na listahan ay matagal nang hinihintay ng taumbayan na natitiyak kong nagkikibit-balikat sa paudlot-udlot na paghayag ng narco-list. Maging ang Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay paulit-ulit na ring humihiling na ilabas na ang nasabing listahan ng mga kasangkot sa illegal drugs. Nakaangkla ang kanilang kahilingan sa hangaring mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na suriin at timbangin ang katauhan at kakayahan ng mga kandidato, lalo na nga ang pinaghihinalaang lulong sa illegal drugs.
Nais ng nabanggit na mga ahensiya ng gobyerno na pagbawalang kumandidato ang mga kabilang sa narco-list. Dangan nga lamang at, sa aking pagkakaalam, hindi pinapayagan ng Korte Suprema ang paghadlang sa sinumang pinaghihinalaang kasangkot sa illegal drugs; maliban kung sila ay hinatulan na ng husgado.
Walang magagawa ang gobyerno, sa pamamagitan ng DDB, PDEA, DILG at ng mismong mga mamamayan, kundi manmanan ang kilos at pamamayagpag ng narco-bets upang matiyak ang hinahangad nating honest, orderly and peaceful elections (HOPE).
-Celo Lagmay