Tinatayang aabot sa P900,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa nasakote na umano’y shabu courier, sa Muntinlupa City, nitong Sabado ng hapon.

Sa report kay PDEA Director General Aaron Aquino, kinilala ang suspek na si Rassive Abo Tumanggong, alyas “Datu”, na umano’y nagsu-supply ng ilegal na droga sa Metro Manila.

Ipinaliwanag ni PDEA Special Enforcement Service (SES) Director Levi Ortiz na unang nakipagkasundo si Tumanggong na makipagkita sa poseur buyer sa isang shopping mall sa Pasay City, upang iabot ang kalahating kilo ng shabu.

Gayunman, sinabi umano ng suspek na kulang pa ang hawak niyang droga kaya kumuha pa umano ito sa ibang supplier saka nakipagkita sa isang mall sa Muntinlupa City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang tanggapin ng suspek ang marked money at iabot ang droga ay hindi na ito nakapalag nang posasan ng arresting team, dakong 2:00 ng hapon.

Itinanggi ni Tumanggong na siya ang nagtutulak ng droga, at iginiit na sumama lang siya sa kanyang kakilala para mabigyan ng P10,000.

Inamin naman ng suspek na alam niyang droga ang kanyang dala at nag-iisa lang siya, ayon sa mga awtoridad.

Sinusuri pa ng PDEA ang nasamsam na droga upang matukoy kung bahagi rin ito ng naipuslit na droga sa Manila International Container Port (MICP), kamakailan.

-Jun Fabon