TALAGANG opium ang kaway ng pulitika sa Pilipinas. May 152 tao ang nag-file ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador para sa 2019 mid-term elections na nagwakas noong Miyerkules, Oktubre 17.
Kabilang sa mga ito ang tatlong dating senador na umano’y sangkot sa P10 bilyong pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles. Sila ay sina Juan Ponce Enrile, aka Tanda; Bong Revilla, aka Pogi; at Jinggoy Estrada, aka Seksi.
Ayon sa Sandiganbayan, ang tatlong akusado sa pork barrel scam ay kuwalipikado pang tumakbo tulad ng umano’y mga narco-politician na nasa master list ni President Rodrigo Roa Duterte dahil hindi pa naman sila sentensiyado o convicted.
Bukod kina JPE, Bong at Jinggoy, naghain din ng kandidatura ang iba pang mga indibiduwal na kung tagurian ay “colorful personalities” o makukulay na kandidato. Kabilang sa kanila ang nagsabing dating ginoo ni Kris Aquino, dating boyfriend ni Mocha Uson, Hari ng isang Kingdom, awtor ng maraming aklat, at isang nagpakilalang siya ang nagpanalo sa kaso ng Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa dambuhalang China.
Samakatuwid, kung may mga lehitimong kandidato sa 2019 mid-term elections, karamihan naman sa kanila ay ang tinatawag na “nuisance candidates” o mga pamuwisit na kandidato na maituturing ding “mga sira-ulo.” Ganyan ang uri ng demokrasya sa Pilipinas. Basta ikaw ay isang Pilipino, nasa hustong gulang kahit “no read, no write”, puwedeng kumandidato, mag-ambisyong maging presidente, senador at iba pa.
oOo
Kumporme ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ng sorpresang drug tests sa mga kandidato sa halalan sa 2019. Sinabi ni PDEA director general Aaron Aquino, dapat isagawa ang biglaang drug tests sa mga pulitiko upang mapigilan silang makapaghanda sa gagawing tests sa pamamagitan ng hindi muna paggamit ng illegal drugs bago ang eksaminasyon upang makakuha ng negative result.
Sa Davao City, tatlong Duterte ang tatakbo sa iba’t ibang posisyong pambayan. Si incumbent Davao City Mayor Sara Duterte ay tatakbong muli sa pagka-alkalde. Si ex-Vice Mayor Paulo “Pulong” Duterte ay kandidato sa pagka-congressman sa Unang Distrito. Ang bunsong anak ni PRRD, si Sebastian “Baste” Duterte, ay magiging katambal ni Inday Sara sa pagka-vice mayor ng lungsod.
Naniniwala ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at pilosopo na magandang estratehiya ng Duterte Family ang pagtakbo ng tatlong anak sapagkat sa pagtatapos ng termino ni PDu30 sa 2022, maluwag siyang makauuwi sa Davao City bilang isang ordinaryong mamamayan, may sariling “kaharian” na hindi maaaring panghimasukan ng mga kalaban at kritiko sa pulitika
-Bert de Guzman