Dinakma ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang umano’y tulak ng ilegal na droga makaraang masamsaman ng P3.4 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa isang mall sa Metro Manila, iniulat kahapon.

Sa report ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, kinilala ang suspek na si Salahudin Tokao Kendayo, alyas Bato, 21, tubong Maguindanao at naninirahan sa Baseco compound, Maynila.

Pinosasan si Bato ng mga operatiba ng PDEA Special Enforcement Service, sa pamumuno ni Director Levi S. Ortiz, sa Robinson Mall sa Malate, Maynila.

Sa imbestigasyon, natimbog si alyas Bato sa buy-bust operation ng PDEA–SES sa may Level 6 roof deck parking, Robinson, Malate, Maynila, bandang 12:30 ng hapon kamakalawa.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Nasamsam sa suspek ang 500 gramo ng umano’y shabu.

Ayon kay Ortiz, nakatanggap sila ng impormasyon na ang suspek ay may katransaksiyon sa naturang mall.

Nakakulong ang suspek sa PDEA sa Quezon City, matapos na samapahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).

-Jun Fabon