PARIS (Reuters) – Nasamsam sa sabay-sabay na pagsalakay ng mga pulis sa 93 bansa ang mahigit 55 toneladang droga kabilang ang cocaine, heroin at milyun-milyong synthetic drug pills, sinabi ng Interpol police organization nitong Miyerkules.
Kabilang sa mga nakumpiska ang cocaine na itinago sa steamroller sakay ng isang barko na paalis ng Brazil patungong Ivory Coast, ecstasy lab sa isang Dutch house at, sa Middle East, captagon pills, na sikat sa nasabing rehiyon.
Sinabi ng Interpol organization, nakabase sa Lyon City sa France, na sa kabuuan ay 1,300 katao ang inaresto sa operasyon na may codename “Lionfish”. Isinagawa ito mula Setyembre 17 hanggang Oktubre 8.
Nasabat sa ibang pagsalakay sa timog silangang Asia ang 18 milyong tableta ng Yaba, isang synthetic substance na minsan ay tinatawag na “madness drug”.