Sa kabila ng patuloy na paglala ng tensyong nagaganap sa rehiyon ng Gitnang Silangan, ganap nang nakapili ang bansang Iran ng panibago nilang supreme leader.
Ito ay matapos masawi ang dati nilang supreme leader na si Ayatollah Ali Khamenei, bunga ng pagpapakawala ng Estados Unidos at Israel ng joint airstrikes—kung saan nadamay din ang ilan pang mga sibilyan at kaanak ni Khamenei, base sa kumpirmasyon ng state TV media ng Iran.
MAKI-BALITA: Kaanak ni Iranian supreme leader Ali Khamenei, nasawi sa airstrikes ng US, Israel-Balita
Sa inilabas na pahayag ng state media ng Iran nitong Lunes, Marso 9, napagdesisyunan na ng mga miyembro ng clerical body ang pagtatalaga kay Mojtaba Khamenei bilang successor ng namatay niyang ama.
Ayon pa sa Assembly of Experts, via “decisive vote” ang pagkakapili kay Mojtaba bilang bagong supreme leader ng kanilang bansa.
“New victory” din daw sa Islamic Revolution at “resounding blow to the enemies” ang bagong posisyon ni Mojtaba sa Iran.
Siya ang magsisilbing ikatlong supreme leader ng Iran, matapos ang 37 taong panunungkulan ng kaniyang ama sa Iran simula noong 1989.
Matatandaang sinabi ni United States (US) President Donald Trump noong Linggo, Marso 8, na isa umanong “unacceptable choice” si Mojtaba bilang bagong supreme leader ng Iran—at nagbantang hindi umano ito tatagal kung hindi ito makakakuha ng “approval” mula sa kaniya.
Gayumpaman, nanindigan ang Iran sa kanilang desisyong piliin si Mojtaba Khamenei bilang bago nilang supreme leader.
Wala pang tugon o pahayag na inilalabas si Trump kaugnay nito.
Vincent Gutierrez/BALITA