HINDI nabalewala ang effort na ipinakita ng Magnolia playmaker na si Jio Jalalon sa nakaraang dalawa nilang laban kontra Blackwater at Alaska nang mapili bilang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week sa ginaganap na 2018 PBA Governors Cup noong Oktubre 8-14.
Bagama’t malalim ang kanilang rotation sa kanyang posisyon, hindi sinasayang ni Jalalon ang pagkakataon upang maipakita ang natatanging husay na pinatunayan ng kanyang itinalang average na 15.5 puntos, 10.5 rebounds, 9.0 assists at 1.5 steals noong isang linggo.
Dahil dito, natalo niya ang mga teammates na sina Paul Lee at Mark Barroca, NorthPort standouts Sean Anthony at Stanley Pringle, San Miguel big man Christian Standhanrdinger at gunner Marcio Lassiter, at Rain or Shine big man Jewel Ponferada para sa lingguhang citation.
Gamit ang kanyang liksi at galing pagdating sa playmaking skills, naitala ni Jalalon ang kanyang unang triple-double performance sa pro ranks, matapos magtala ng 13 puntos, 12 rebounds at 13 assists nang kanilang dominahin ang Blackwater Elite, 133-99 noong Miyerkules.
Apat na araw pagkatapos, nagposte ang dating Arellano University standout ng 18 puntos, 9 rebounds, 5 assists at isang steal nang gapiin ng Magnolia ang Alaska, 83-73.
Dahil sa panalo, ang kanilang ikalimang sunod ngayong conference, nakopo ng Magnolia ang solong liderato taglay ang markang 7-1 marka.
-Marivic Awitan