UMUSAD ang season host National University ang kanilang record na 5th straight perfect season sa men’s division pagkaraan ng kanilang 3-0 pagwalis sa University of the Philippines nitong Biyernes sa pagtatapos ng UAAP Season 81 badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall sa Manila.

Nauna ng ginapi ng Bulldogs, ang Fighting Maroons, 3-2, noong nakaraang Miyerkules sa Finals opener. Nahatak din nila ang kanilang rekord na winning streak hanggang 43 ties mula noong 2014.

“Maganda ang team bonding din namin. This is my playing final year so itinodo ko na para makuha ko yung goal na five-peat. Ang panalong ito ay para sa National University,” ani Mike Minuluan, isa sa limang graduating players na nagwagi ng season MVP honors.

“Tulungan lang. Teamwork lang,”dagdag nito.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ang panalo ang ang ika-6 na kampeonato ng Bulldogs sa nakalipas na pitong seasons.

Nagtala si Ros Lee Pedrosa ng 21-17, 21-14 panalo kontra kay JM Bernardo sa opening singles bago tinalo ni Minuluan si Michael Clemente, 21-12, 21-14, sa second singles.

Ganap na sinelyuhan nina Alvin Morada at Alem Palmares ang panalo para sa Bulldogs matapos gapiin sina Betong Pineda at Harvey Tungul, 21-15, 21-17, sa first doubles.

Si Kyle Legaspi, na namuno sa paghatid sa UP sa kanilang ikalawang sunod na Finals ang nahirang na Rookie of the Year

Sa women’s division, tinapos ng Ateneo ang kanilang Cinderella run sa pagwawagi ng una nilang titulo sa nakalipas na limang taon matapos pigilan ang dapat na twin championship ng UP sa pamamagitan ng 3-0 panalo.

Inabot ng 79 na minuto bago naitala ni Chanelle Lunod ang unang panalo kontra kay Poca Alcala, 21-19, 14-21, 21-16, sa first singles.

Sinundan ito ng pagbalikwas ni Samantha Ramos upang mapayukod si Jessie Francisco, 16-21, 21-17, 21-16, sa second singles bago kinumpleto nina Lunod at Geva de Vera, ang tinanghal na co-tournament MVPs, ang panalo sa pamamagitan ng paggapi kina Leah Inlayo at Mary Ann Marañon, 21-13, 21-8, sa first doubles.

Nauna nang ginulat sa Finals opener ng Lady Eagles ang Lady Maroons, 3-2.

-Marivic Awitan