Saso, kumikig sa mixed competition; Tagle, umusad sa q’finals sa archery ng Youth Olympics

BUENOS AIRES – Umusad si Filipino archer Nicole Tagle kasama ang partner na si Hendrik Oun ng Estonia sa quarterfinals ng mixed international team event nitong Sabado sa 2018 Youth Olympic Games.

Ginapi nina Tagle at Oun ang lower-ranked na sina Isabela Bassi ng Chile at Ravien Dalpatadu ng Sri Lanka sa shoot off, 5-4, para maisaayos ang duwelo sa tambalan nina Alyssia Tromans-Ansell ng Great Brittain at Reza Shabani ng Iran sa susunod na round ng Olympic-round format.

“I have a good partner in Hendrik. To advance, we have to be consistent again in the next round,’’ pahayag ni Tagle, umiskor ng kabuuang 19 puntos laban sa 17 nina Bassi at Dalpatadu sa shoot off.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umabante sina Tagle at Oun sa unang set ng 16-arrow bago nasiguro ang 2-1 panalo sa sumunod na dalawang frame na ikinasiya ng maliit na delegasyon ng bansa na suportado ng Philippine Sports Commission.

Umusad naman ang tambalan nina Tromans-Ansell at Shabani, ranked No.4 sa torneo, kontra kina Wian Roux ng South Africa at Himani Himani ng India, 5-1.

Target ng No. 13 rank na sina Tagle at Oun na makaiskor ng disente sa 16 arrows four-set sa quarters para makasabay sa liyamadong karibal.

Puntirya ng prized archer mula sa Dumaguete City na matularan ang tagumpay ni Gab Moreno, unang Pinoy na nagwagi ng gintong medalya sa Youth Olympics katambal si Li Jiaman ng China, sa 2014 edition ng Games sa Nanjing, China

Makakaharap ni Tagle, silver medalist sa women’s recurve individual competition sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, si Tromans-Ansell sa women’s individual round of 16 sa Lunes (Martes sa Manila).

Kumpiyansa naman si Christian Tio na ma-improve ang kampanya sa pagbabalik aksiyon ng men’s kiteboarding sa Club Nautico San Isidro.

Sa golf competition, umiskor sina Yuka Saso at Carl Janno Corpus ng pinagsamang 4-under 66 para makisosyo sa ika-16 puwesto sa unang round ng mixed team competition sa Hurlingham Club.