PANAMA CITY, Fla. (AP) — Malinaw na nasilayan nitong Huwebes ang pinsalang idinulot ng Hurricane Michael sa hilera ng mga nawasak na bahay, at nahirapan ang rescue crews na mapasok ang mga sinalantang lugar para maayudahan ang daan-daang katao na maaaring nagpaiwan doon.
Tatlo ang namatay sa Hurricane Michael, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa continental U.S. sa loob ng halos 50 taon, at hindi pa ito tapos: Kahit na humina na sa tropical storm, nagdala naman ito ng baha sa North Carolina at Virginia, inilubog ang mga lugar na hindi pa lubusang nakababangon sa Hurricane Florence.
Sa pagsikat ng araw sa Florida Panhandle, lumabas ang mga pamilyang nagkanlong sa shelters at hotels at nakita ang mapanganib na tanawin ng mga nawasak na bahay, shopping centers, nagwawalang mga sirena, at helicopters na umiikot sa kalawakan. Sinabi ni Gov. Rick Scott na nagising ang Panhandle sa “unimaginable destruction.”
“So many lives have been changed forever. So many families have lost everything,” aniya.
Mahigit 900,000 kabahayan at negosyo sa Florida, Alabama, Georgia at Carolinas ang walang elektrisidad.
Sa katabing Panama City Beach, iniulat ni Bay County Sheriff Tommy Ford ang malawakang panloloob sa mga kabahayan at negosyo. Nagpatupad siya ng curfew at humiling ng 50 miyembro ng National Guard para sa proteksiyon.
Sinabi ng forecasters nitong Huwebes ng gabi na malakas pa ring bagyo ang Michael, nakasentro may 8 kilometro sa hilagang kanluran ng Roanoke Rapids, North Carolina, at taglay ang lakas ng hangin na 80 kph. Kumikilos ito pa-hilagang silangan sa bilis na 39 kph sa gitna ng mga babala na maaari itong magdala ng mapinsalang hangin at karagdagang pagbaha sa rehiyon bago lumabas sa bansa.