Sinibak na ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña sa puwesto ang dalawang mataas na opisyal ng BOC-Port of Zamboanga kasunod ng napaulat na pagkawala ng mahigit 23,000 sako ng bigas sa kanilang puerto, nitong Setyembre 30.

Kasama sa tinanggal sa posisyon bilang district collector sina Atty. Lyceo Martinez at BoC-police district commander Felimeno Salazar.

Inihayag ni Lapeña na kailangan niya itong gawin upang matiyak na hindi nila maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon sa usapin.

Noong Oktubre 1, naiulat na nawawala ang 23,015 sako ng bigas sa BoC-Zamboanga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Agad na nagpadala si Lapeña ng team, upang alamin ang nasa likod ng iregularidad.

"I will go after the people involved in this and will unmask the illegal activities of Customs personnel from Zamboanga who are in cahoots with smugglers," diin ni Lapeña.

Sa inisyal na resulta ng paghahanap, natunton at nabawi ang 5,000 sako ng bigas sa isang bodega na pag-aari ng Basulta Traders Corporation, nitong Oktubre 1.

Kinabukasan, nabawi rin ang 3,000 sako ng bigas sa Suterville Warehouse, Manga Drive.

Aabot naman sa 8,000 sako ng bigas ang natagpuan sa paligid ng Kasanyangan Compound sa Sta. Catalina, Zamboanga City.

Matatandaang nasabat ng mga elemento ng Philippine Coast Guard, PDEA, at ng Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang tatlong barkong sakay ang 23,015 sakong puslit na bigas sa Ben Go Wharf, Baliwasan, Zamboanga City, nitong Setyembre 22.

Ang kargamento ay dinala muna sa BoC-Zamboanga City para sa imbentaryo at pagpapalabas ng kaukulang warrant of seizure and detention nito.

-MINA NAVARRO