TATLONG lugar ang isasangguni ng Skateboarding association para maging training at competition venue sa Philippine Sports Commission (PSC).

Ang pagtatayo ng opisyal na venue para sa skateboarding ay bahagi rin ng pagsasanay at paghahanda ng atletang Pinoy sa hosting ng 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa Manila.

Ayon kay Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines president Monty Mendigoria, napipisil nilang tamang lugar para sa skateborders ang Clark Pampanga, Tagaytay City at ang SM Mall of Asia sa Pasay City.

“I’ll set a meeting with the SM Group and propose a long term project to them. After kasi ng SEAG, we can host world and international championships with an international standard skatepark,” pahayag ni Mendigoria sa panayam ng Balita.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Aniya, iminungkahi ni Philippine Olympic Committee (POC) chairman Bambol Tolentino na isagawa sa Tagaytay ang Skateboarding.

Ayon kay Mendigoria, tapik sa balikat ng sports ang pagkakaroon ng sariling training facility. Nakikala ang sports matapos magwagi ng gintong medalya si Margielyn Didal sa nakalipas na Asian Games sa Jakarta.

Sa kasalukuyan ay wala pang potensyal na financier ang Skateboarding para sa venue, bagama’t ang nais munang pagtuunan ng pansin ngayon ng pamunuan ni Mendigoria ay ang paghahanda para sa World Park Championship sa Nanjing China sa Oktubre 27 at 28, at ang Exposure All Women Skateboarding Championship sa San Diego California sa Nobyembre 3-4.

-Annie Abad