NANG bendisyunan ng isang pari ang mga alagang hayop at ang mismong nag-aalaga sa mga ito, isang yamang-kaisipan ang sumagi sa aking utak: Ang pagiging makatao sa mga hayop. Ang naturang banal na okasyon na ginanap sa Malabon Zoo kaugnay ng pagdiriwang
ngayon ng World Animal Day ay patunay ng pagpapahalaga sa mga karapatan at kapakanan ng ating mga alagang hayop. Kasabay rin ito ng selebrasyon ng pista ni St. Francis of Assisi, ang patron ng mga hayop.
Palibhasa’y naging bahagi na ng pamumuhay ang pag-aalaga ng hayop, ipinanggagalaiti ko ang anumang anyo ng pagmamalupit sa mga pet animals. Ang mga ito, na halos araw-gabi ay kapiling natin, ay dapat lamang pag-ukulan ng makataong pag-aaruga sa lahat ng pagkakataon. Ang aking apat na alagang aso, halimbawa, bagamat mga katutubo lamang, ay sapat nang makalibang sa aking pakikipaglaro sa kanila; higit na nakalilibang kaysa sa pakikitungo sa ating kapuwa na may ugaling hayop, wika nga.
Maaaring ang gayong situwasyon ang naging batayan ng isang huwes na lumitis sa isang asunto hinggil sa pagmamalupit sa hayop. Hinatulan niya ng pagkabilanggo at pinagmulta ang nanakit at pumatay ng isang aso alinsunod sa itinatadhana ng Animal Welfare Act. Ang mga aso, tulad ng ilan sa atin, ay nagpapamalas din ng kahanga-hanga at kapaki-pakinabang na pakikipagsapalaran sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay.
Hindi ko malilimutan si Kabang, halimbawa, ang alagang aso na itinuring na isang bayani sa Zamboanga City. Ang naturang aso ang nagligtas sa isang bata nang mistulang sinagupa ni Kabang ang isang motorsiklo na sasagasa sana sa naturang bata. Nailigtas ang bata bagamat nabasag ang mukha ng nasabing aso. Dahil sa kabayanihan nito, isang mapagkawanggawang kababayan ang nagkusang ipagamot sa United States ang naturang pet dog.
Halos ganito rin ang kabayanihang ipinamamalas ng mga K-9 drug sniffing dogs sa pagtiyak ng seguridad sa mga estratehikong lugar. Makabuluhan ang misyon nito sa pagsugpo ng mga illegal drugs at iba pang mga kontrabando sa mga pantalan at mga paliparan.
Bagamat wala akong personal na kaalaman, sinasabi na isang K-9 dog na namatay dahil marahil sa karamdaman ang inihimlay sa Libingan ng mga Bayani.
Patunay lamang ito na talagang dapat pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga alagang hayop, lalo na ng mga aso, laban sa pagmamalupit ng mga taong may ugaling hayop. Ibig, sabihin maging makatao sa mga hayop.
-Celo Lagmay