NAGPIPISTA ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil nitong nakalipas na ilang araw, ayon sa kanilang munting pang-unawa, ay umamin umano ang Pangulo na kasalanan niya ang extra-judicial killings (EJK) na nagaganap sa bansa. ‘Yan nga naman talaga ang mahirap sa mga lagi na lang nakaabang na pumalpak at idiin si Digong. May kababawan ang pagkaunawa sa mga binitawang salita ng Pangulo. Kung ilalagay nga naman natin sa tamang konteksto ang kanyang pangungusap, malinaw na hindi ito pag-amin sa EJK.
Ganito ‘yan, una sa lahat, abogado ang Pangulo at naging piskal (prosecutor) pa ng ilang dekada sa hukuman. Napakahibang naman ng Pangulo kung aamin nalang siya ng ganoon lang sa kanyang talumpati na tungkol sa sa mga ‘patayan’.
Pangalawa, unawain natin ang pasakalyeng patutsada ng Pangulo kay Senador Kiko Pangilinan, kung saan sinabi niyang hindi siya napagbintangang magnanakaw at hindi siya tinitira sa graft and corruption. Kung sa pangungulimbat nga ay hindi siya rumaraket, ano pa ang gawin niya ang EJK na mas mabigat ang kaparusahan sa batas? Binabaliktad lang ng mga kalaban ng Pangulo sa pulitika ang kanyang mga salita. Dahil sa kanyang pagiging agresibo at sa galit sa mga armadong tulak ng droga, siya tuloy ang napagbibintangan na pasimuno ng human rights abuse kapag may namamatay sa lansangan. Subalit malinaw ang utos ng Pangulo sa pulisya. Makailang ulit niyang sinabi sa mga ito na ipagtanggol ang sarili at huwag isaalang-alang ang kanilang mga buhay kapag ang kalaban ay armado.
Ang kanyang ipinahayag na EJK lang ang tangi niyang kasalanan ay hindi akma sa konteksto at kasaysayan ng kanyang mga naunang talumpati. Ang pakahulugan ni Digong dito ay sa kanya ibinabato ang mga puna sa EJK. Hindi na ba kayo nasanay sa style ni Digong na patalun-talon sa mga isyu at pagiging mapagbiro? Dahil sabay-sabay ang iniisip ng ating Pangulo at bilang lumad na Bisaya, sadyang napapaikli niya ang mga binibitawang salita, na hindi tugma sa tumatakbo sa isip niya. Tanging isang Bisaya at laking probinsya lamang ang makauunawa sa kultura, kaisipan, ‘kapilyuhan’, at pagpapatawa ng mga kapwa naming Cebuano.
-Erik Espina