SA pag-usad ng magkakasalungat na argumento hinggil sa masalimuot na Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA) of 2006, lalong tumibay ang aking paninindigan na ang naturang batas ay marapat nang susugan sa lalong madaling panahon. Naniniwala ako na ito ay nagagamit sa mistulang pagkunsinti sa mga menor-de-edad sa paggawa ng krimen; maraming pagkakataon na ang nasabing mga kabataan ay inaakay ng mga criminal syndicate sa pananampalasan sa komunidad.
Itinatadhana ng JJWA na ang mga kabataang mula 16-anyos pababa ay ligtas sa pananagutang kriminal o criminal liability. Bilang pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan, hindi sila maaaring dakipin at ikulong kaagad kapag sila ay nakagawa ng krimen. Manapa, sila ay dapat ipagkatiwala kaagad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o sa iba pang ahensiyang pangkawanggawa upang pangalagaan at isailalim sa rehabilitasyon kung kinakailangan. Dapat lamang ang ganitong pagmamalasakit upang maituwid ang kanilang mga pagkakamali bilang paghahanda sa kanilang maayos na kinabukasan.
Subalit nakapanlulumong mabatid na ang naturang grupo ng mga menor-de-edad ay kinakasangkapan ng mga sindikato sa iba’t ibang kabulastugan: Sa Akyat-bahay, pagbebenta ng illegal drugs, at sa mismong pag-uudyok sa mga kabataan upang maging sugapa sa droga.
Kamakailan lamang, binulaga tayo ng ulat na isang 15-anyos na kabataan ang nambugbog at nakapatay ng kanyang kapuwa sa Caloocan City; isa pang grupo ng street children ang nang-agaw ng bag ng isang matanda sa Maynila. Ilan lamang ang ganitong mga pangyayari ang natitiyak kong naging batayan ni Senate President Vicente Sotto III upang maghain ng bill na aamyenda sa JJWA na matagal na sanang dapat sinusugan.
Sa naturang panukala, ibababa sa 12-anyos – mula sa 16-anyos – ang criminal liability ng naturang mga menor-de-edad. Ibig sabihin, sila ay mananagot na sa magagawa nilang krimen at lilitisin na katulad ng iba pang kriminal; hindi na sila maililigtas sa criminal liability na itinatadhana ng naturang batas na marapat nang maiakma sa nagbabagong panahon at mga pangyayari.
Natitiyak ko na ganito rin ang nais mangyari ni Pangulong Duterte. Hindi miminsang ipinanggalaiti niya ang JJWA na mistulang kumakalong sa mga kabataan na nasasangkot sa mga krimen. Kasabay ito ng kanyang pagpapasaring kay Senator Kiko Pangilinan na siyang awtor ng naturang batas. Nangangahulugan kaya na ang nasabing batas ay hindi pinag-ukulan ng matinong pagbusisi?
Natitiyak ko na katakut-takot ang mga pagtutol sa planong pagsusog sa JJWA para ipaglaban na hindi dapat labagin ang karapatan ng mga kabataan. Gusto ba nating maging kaagapay ng mga kriminal ang mga menor-de-edad sa iba’t ibang krimen?
-Celo Lagmay