MAY nalalabi pang mahika sa tinaguriang ‘The Magician’ ng world billiards.
Pinangunahan ni Efren “Bata” Reyes, kinikilalang isa sa pinakamagaling na cue artist sa mundo, ang Team Philippines sa 13-10 victory kontra host Chinese-Taipei sa 2018 Pool Classic: RP vs Taiwan kamakailan sa
Taroko Mall sa Taichung City, Taiwan.
Ang iba pang miyembro ng Team Philippines ay sina World 9-Ball champion Carlo Biado, Johann Chua, Jeffrey Ignacio at Roland Garcia. Si Puyat Sports official Christine “Ish” Caparras ay nasa Taichung City, Taiwan din.
Ang Chinese-Taipei squad ay binubuo naman nina Ko Pin Yi, Ko Ping Chung, Chang Jun Ling, Chen Yu Chung at Yu Huan Chang.
Naibulsa ng Team Philippines ang US$10,000 habang ang host Chinese-Taipei ay nakatangap naman ng US$5,000.
“Once again, congratulations Efren (Reyes), Carlo (Biado), Johann (Chua), Jeffrey (Ignacio) and Roland (Garcia). You have made every Filipino proud of your triumph,” sabi ni Aristeo “Putch” Puyat , presidente din ng Billiards Sports Confederation of the Philippines (BSCP).
Ilan sa mga kaganapan ay nakaungos si Reyes kay Chang, 6-4,panalo ang tambalan nina Reyes at Ignacio kina Ko Pin Yi at Chang Chen, 6-3.
Binasura rin ni Ignacio si Ko Pin Yi, 6-0, ungos si Biado kay Chang Jung Lin, 5-4, bigo naman sina Biado at Garcia kina Ko Pin Yi at Ko Ping Chun, 5-6.