Nasa 80 kilo ng umano’y high grade shabu, na nagkakahalaga ng P544 milyon, ang nakumpiska ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa isang condominium unit na nagsisilbi umanong shabu laboratory sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

HIGH-GRADE SHABU Nasa P544 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang condominium unit na inuupahan ng apat na Hong Kongese sa Pasay City, kamakalawa.( JANSEN ROMERO)

HIGH-GRADE SHABU Nasa P544 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang condominium unit na inuupahan ng apat na Hong Kongese sa Pasay City, kamakalawa.( JANSEN ROMERO)

Nasa kustodiya ng PDEA ang limang Hong Kongese na sina Lang King Wah, 35; at Wong Ka Lok, 38, kapwa handlers ng dalawang chemists na sina Lam Wing Bun, 52; at Lam Ming Sun, 56; habang si Huan Sen Lin ay una nang nadakip nitong Lunes.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang limang dayuhan ay pawang miyembro umano ng tinaguriang “14K” international drug syndicate na kumikilos sa China at Hongkong.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bitbit ang search warrant, sinalakay ng PDEA ang isang unit ng isang condominium na matatagpuan sa panulukan ng Sunrise at Pacific Drives sa Pasay City, dakong 7:30 ng gabi.

Nasamsam ang mga liquid shabu, na nakalagay sa 10 malalaking transparent plastic container na nakatakdang patuyuin, habang 70 kilos ng high grade shabu, na nagkakahalaga ng P544 milyon, ang nakasilid sa isang maleta.

Ayon kay Director General Aquino, itinuturing nila itong pinakamalaking kitchen-type shabu laboratory sa bansa na kanilang ni-raid at kayang gumawa ng tinatayang 15 hanggang 20 kilo ng shabu kada cycle.

Aniya, ito rin ang pinakamatagal na operasyon na kanilang ikinasa na umabot ng apat na buwan.

“This is a modus of the new syndicate now. They’re using high-end subdivisions, condominiums to prevent detection,” dugtong ni Aquino.

Base sa report, unang nadakip sa operasyon sina Lam King Wah at Wong Ka Lok matapos na bentahan ng dalawang kilo ng umano’y shabu ang poseur-buyer sa ASEANA Power, Macapagal Boulevard, Parañaque City.

Nasundan ito ng follow-up buy-bust operation laban kina Lam Wing Bun at Lam Ming Sun matapos na masamsaman ng isang kilo ng shabu sa tapat ng isang hotel sa Maynila, kamakalawa ng umaga.

Inihayag pa ni Aquino na ang pagkakaaresto ng apat na suspek ay bunsod ng pagkakadakip ni Huan Sen Lin, na nakumpiskahan ng P120 milyong halaga ng shabu, sa Roxas Boulevard sa Maynila.

Samantala, tinitingnan ng awtoridad kung may pananagutan ang may-ari ng condo unit sa insidente.

-BELLA GAMOTEA at FER TABOY